Isang member na-ER...Streetboys, naiyak sa kanilang reunion concert

Streetboys

Matagumpay ang ginanap na reunion concert ng Streetboys noong nakaraang Biyernes ng gabi, SB90s The Streetboys Reunion Dance Concert.

Pero hindi raw talaga in-expect ng grupo na ganun ang magaganap lalo na at may na-ER (Emergency Room) pa sa kanila.

“Talagang sobrang nakakagulat. Actually, natatakot [at] kinakabahan kami na gawin ito. Kaya nga inabot ng 31 years. Kasi syempre, hindi natin alam kung nasaan na ‘yung fans, tapos ‘yung schedule namin, mga nasa ibang bansa. Tapos nangyari nga ito after 31 years. Tapos nakita namin na punong-puno (New Frontier Theater). Kita namin ‘yung mga hiyawan, mga palakpakan, pagmamahal sa amin kaya sobra-sobra kaming nagpapasalamat na patuloy silang nandiyan para sa Streetboys,” sabi ni Vhong Navarro pagkatapos ng concert nila na mahigit dalawang oras.

At kinaya ng stamina ng grupo sa edad nila ngayon. Aminado sila na ramdam na nga na hindi na sila mga bata, hindi na normal ang mga buto-buto.

Matagal din silang nag-rehearse. Ayon kay Jhong : “Two months preparation. Well, ‘yung iba, two months, ‘yung iba two weeks kasi galing UK. Hindi pwedeng magtagal dahil may mga trabaho ru’n. So, thank God, thank God, na natapos namin nang maayos.

“Kasi kanina, may na-injury pa sa amin. Si Joseph, nagkaroon siya ng sobrang masamang... kagabi. Na-ER pa. Naka-stretcher, umiiyak, kasi baka hindi na siya makasayaw. From Dubai pa siya eh, imagine. And then, thank God, pinalakas siya ng pain reliever. Pinapalakas siya ni God. And kanina, na-injury pa si Nicko pero awa ng Diyos, nakabalik. So, I think, nag-pay off ‘yung mga ginawa namin dati. ‘Yung sacrifices namin dati. So, nag-pay off,” dagdag na kuwento ni Jhong.

Anong chance na mauulit ‘yun?

Kryzl Jorge

Si Vhong ang sumagot : “Chance na maulit. Depende sa mga nasa out of the country, nasa abroad. Kasi itong uwi na ‘to, nag-leave lang sila. Hopefully nga, magkaroon ng repeat. Dahil kay kuya Ogie o sa ibang producer. Pero.. Kayo sumagot.”

Kaya’t sumagot si Spencer Reyes : “Maybe next year, but sa trabaho kasi namin, it’s a regular job. So, we have to file four weeks. Minsan, three weeks lang talaga. Pero, syempre, natutuwa rin kami dahil napapanood kami ng mga manager namin dun. Nakikita na, ‘uy! artista ka pala.’ So, I’m really proud. Kumbaga, nakakahingi ako ng extra time for my holiday.

Hindi napigilan ni Spencer na maluha nung gabing ‘yun. Kasalukuyan siyang nagtatrabaho sa Scotland bilang isang bus driver.

“Hindi, kasi ano ako talaga, since day 1, when I was 14, niloloko nila ako, parang ako ‘yung balat sibuyas. Madali akong umiiyak. Pero, syempre, sa 31 years na samahan namin. First time lang kami nakumpleto ulit.”

Sabi naman ni Meynard na leader ng grupo noon pa man: “Talagang madadala ka eh, nung music namin na Dreams, talagang nadala kami. Nung lumabas na lahat ‘yung nag-umpisa kami. Nag-hit na sa’min nung pinatugtog ‘yung Dreams,” sabi ni Meynard na matagal ding nagtrabaho sa Universal Studios Singapore.

Kaya lahat ng pag-aalala nila ay nabura nung gabing ‘yun.

Ang ganda rin ng production at ang husay talagang magdirek ni Paolo Valenciano.

“Actually, pinaka-natakot talaga kami, meron pa bang Streetboys fans na nandiyan, pupuntahan ba kami? Kaya ‘yung iyak na lang namin kanina. Kasi parang, hindi namin alam kung...  Since lahat kami may pain reliever. So, hindi talaga namin alam. So, nagulat kami kanina na naka-survive kami, walang na-injury, and kahit papaano hanggang sa huli humahataw pa rin kami,” pag-amin uli ni Jhong na naitawid nga nila ang halos tatlong oras na dance concert bagama’t alam mong hindi na sila ‘yung dating parang walang buto sa katawan kung humataw sa entablado.

At ang isa sa pasabog ay nang maging guest sina Justin and Stell ng SB19.

Paano ninyo na-invite ‘yung SB19 samantalang na-mention nila during the presscon na hindi sila pwede?

“‘Yun nga po sa presscon, narinig po nila na iniimbitahan ang SB19 na biglang parang ang sinabi natin hindi sila available. So ang ginawa, sila ‘yung nag-reach out sa amin. Gumawa ng paraan, kahit hindi sila kumpleto, makapag guest lang. Sobrang.. Saka kaya naman SB90s ‘yan kasi gusto namin silang mai-guest para maging SB19,” sabi ni Vhong.

At sa totoo lang, nakaya nilang sabayan ang dalawang mahusay na miyembro ng SB19. “Saka ang galing nila sumayaw. Talagang kuhang-kuha nila ‘yung dance steps namin.”

“Saka SB19 din naman kami, 1993,” sabi ni Jhong.

Two hours lang daw ang rehearsal nila with Justin and Stell.

“Nag-video kami. Tapos pinakita namin sa kanila. Gulat kami pagdating dun (sa rehearsal) sobrang hataw agad sila. Professional. Ang professional. World class, eh. Ganun talaga, world class. Well-trained talaga sila. So, nakuha agad nila,” papuri ni Jhong sa dalawang miyembro ng SB19.

Pero ano ba ang feeling knowing na andyan ang fans na kasing bata nga ng SB19 na until now tinatangkilik pa rin kayo?

“Masayang nakakatawid kami sa Gen Z. Ayun nga, ayun ‘yung kinakabahan kami, sabi ko baka magkalat ang mga maintenance (meaning walang tao). Pero kumalat din ang mga Gen Z, Millennial. Kaya talagang nagpapasalamat kami kasi syempre dala-dala nila ‘yan hanggang sa tumanda sila.

“Saka malaking bagay din kasi may social media. Tapos ‘yung mga sayaw namin, nasa TikTok din, sinasayaw din nila. So parang nagkaroon ng ano ‘yung mga Gen Z, mga Millennial.”

Dagdag ni Vhong : “Nakakatawid nga tayo sa ganitong age, eh,” na ang tinutukoy niya ay ang country’s youngest CEO, Kryzl Jorge, na nakipag-showdown talaga sa  New Frontier stage with the iconic dance group, sa SB90s The Streetboys Reunion Dance Concert.

“It was a wonderful experience. I’m so happy to share the stage with The Streetboys,” sabi ng pitong taong gulang na si Kryzl.

Ibinunyag din niya na mayroon lamang siyang tatlong araw mag-rehearse ng 90s medley dance.... “I practiced for it around three days, and it was easy to remember. The members were also kind to help me prepare for the dance,” she added.

Anyway, sa buong dalawang oras na palabas, naaliw at na-senti ang fans.

Talagang nagbalik sa alaala ng mga nanood ang masasa­yang araw ng Streetboys na tumatabling sila at talagang ang ganda ng mga song like Dying Inside at marami pang iba.

Naalala rin ng grupo ang kanilang mga simula at kung paano nakatulong ang kanilang paglalakbay bilang Streetboys upang maabot ang kanilang mga pangarap sa tulong ng manager nilang si Direk Chito Roño. Anyway, after SB90s The Streetboys Reunion Dance Concert, mapapanood din si Kryzl sa Ogieoke 2 Reimagined this Nov. 30 na gaganapin sa Newport Word Resorts.

Si Ogie ng A Team Management ang producer ng reunion concert ng Streetboys kaya paulit-ulit ang pasasalamat ng grupo.

Show comments