Simula ngayong Miyerkules (Nov. 13) ay mapapanood na sa mga sinehan ang Hello, Love, Again na pinagbibidahan nina Kathryn Bernardo at Alden Richards. Aminado ang KathDen na nakararamdam na ng pressure para sa bagong pelikula lalo pa’t pumatok nang husto sa takilya ang unang pinagtambalan na Hello, Love, Goodbye noong 2019. “Medyo mabilis lahat ng nangyari. So, it’s just sinking in now, I think. And I’m pretty nervous. Sobrang kinakabahan sa lahat ng mangyayari. It is just nice na hindi ko siya mag-isa hinaharap, kasama ko si Alden,” pagtatapat ni Kathryn.
“Actually, in all projects naman, most especially this project, since this is very special to both of us. The pressure kasi may tinitingnan na benchmark from the previous film eh. There’s gonna be comparison in a way. Siyempre ‘yung pressure of the box office etc. But it is for the people to decide and it’s for them to really by word of mouth, to tell if the movie is worth watching,” pagbabahagi naman ni Alden.
Para sa tambalang KathDen ay talagang kaabang-abang ang bawat eksena sa bagong pelikula. Ayon kina Kathryn at Alden ay matutuldukan na ang kwento ng buhay pag-ibig nina Joy at Ethan na kanilang mga karakter sa proyekto. “I think this will put an end. This will answer all their questions,” paglalahad ng aktres.
“Pagpahingahin na natin sila. Kasi parang they have been through a lot but on our point of view maybe it’s time to say goodbye to Joy and Ethan but what if, the what if, we can’t tell. But for us personally parang okay na,” pagtatapos naman ng Kapuso actor.
Miguel, gustong alagaan ang bagong ‘baby’
Malapit nang mapanood sa GMA ang Mga Batang Riles na pagbibidahan ni Miguel Tanfelix. Sobrang dedikasyon umano ang ibinibigay ng Kapuso actor upang mas mapaganda pa ang bagong serye. “Isa ito sa mga pinakamalaking responsibility kaya medyo malakas din ‘yung pressure. Kaya ‘yung involvement ko rin po sa show rito, mas grabe kumpara do’n sa iba kong nagawa. Gusto kong alagaan nang mabuti itong show na ito. Gusto ko siyang gawin na parang baby. Kaya ‘yung investment ko sa kanya kahit walang taping, nag-iisip ako ng ways kung paano mapapaganda. Talagang makikita n’yo po ang passion ko sa show na ‘to. I hope na mag-translate siya kapag pinalabas na ‘yung Batang Riles,” nakangiting pahayag ni Miguel sa GMA News.
Dahil abala sa kabi-kabilang trabaho ay tinatanong ang binata ng mga tagahanga kung mayroon pang oras para sa kasintahang si Ysabel Ortega. “We make sure na balanced pa rin naman po. Alam naman po namin sa isa’t isa kung ano ‘yung priority namin,” giit ng aktor.
Samantala, nahihilig ngayon si Miguel sa pagtugtog ng drums. Tinuruan pa raw mismo ni Dingdong Dantes ang aktor kung paano pumalo sa instrumento. “Lumapit si Kuya Dong, tinuruan niya ako kung paano pumalo. Natuwa po ako, talagang nag-enjoy po ako. So lalo akong na-curious sa pagda-drums. Nag-aral po ako mag-isa pa lang po, sa internet po ako nag-aaral. Next week magda-drum lessons po ako,” kwento binata. (Reports from JCC)