Coco, nakaplano ang gagawin sa lola
Nakilala si Coco Martin bilang matulungin sa mga kasamahan sa industriya. Marami nang natulungang artista si Coco na makabalik sa trabaho sa pamamagitan ng kanyang serye. Matatandaang marami ang nabigyang muli ng pagkakataong makabalik sa pag-arte sa FPJ’s Ang Probinsyano na napanood sa loob ng pitong taon. Patuloy ang pagbibigay ni Coco ng trabaho sa ilang mga kasamahan ngayon sa FPJ’s Batang Quiapo. Isa sa mga posibleng makabalik sa pag-arte ay si Gina Pareño. “Actually naka-ano (plano) na nga ‘yan. Hindi kasi pwede sasalang mo agad. Sabi ko, hindi kasi ako nagbibigay ng trabaho for the sake na mabigyan mo ng trabaho. Gusto ko, binigyan ko ng trabaho kasi may dahilan. May rason at may importansya ‘yung role niya. Inaaral ko ‘yon kasi ayaw ko maramdaman nila na, kahit hindi naman ako ‘to, hindi ako vinalue,” makahulugang bungad ni Coco sa ABS-CBN News.
Ayon sa aktor at direktor ng serye ay marami siyang natutunan tungkol sa trabaho mula sa beteranang aktres. Matatandaang nagkatrabaho noong 2009 sina Coco at Gina sa seryeng Tayong Dalawa kung saan nakilala ang karakter ng aktres na si Lola Gets. Naging panauhin din si Gina sa FPJ’s Ang Probinsyano noong 2016. “Lola ko ‘yan, sobrang mahal na mahal ko ‘yan. At si Tita Gina, isa sa mga nag-alaga at nagturo sa akin no’ng nagsisimula ako sa TV. Talagang kung ano ako ngayon, isa sa mga disiplina ko ‘yung pagtutok ko sa trabaho, ‘yung characterization, galing sa kanya. Dati, imbes makipagkwentuhan ako sa labas sa mga co-actors ko, tatawagin ako niyan sa tent. Tapos sabi sa akin, ‘Halika dito, magbasa ka ng script.’ Gano’n kahigpit ‘yan. Kaya nga Lola Gets ko ‘yan eh. ‘Yung importansya, ‘yung pagmamahal, sobra-sobra ‘yung pinaramdam niya sa akin,” pagbabahagi niya.
Para kay Coco ay kailangang bigyang-halaga ang angking talento ng isang beteranang aktres katulad ni Gina. “Kung mapapansin n’yo lahat ng artista na ini-exit ko sa show ko talagang binibigyan ko sila ng highlights. Sila tumutulong sa akin, sila nagpapalaki ng show. Napakalaki ng importansya nila, give and take. Hindi lang ako tumutulong sa kanila, tinutulungan nila ‘yung network. Alam ko darating ‘yung panahon tatanda din ako at sana nangangarap ako na ‘yung respeto na nasa puso ko, nasa isip ko. Sana gano’n din ‘yung kabataan na bigyan ng respeto ‘yung mga veteran actors natin. Kasi sila ‘yung dahilan kung bakit tayo nandito and kung ano mang industriya natin,” paliwanag ng aktor at direktor.
JC, napi-pressure sa Nobody nila ni Gerald
Mahigit isang dekada na ang nakalilipas nang lumipat si JC de Vera sa ABS-CBN. Malaki ang pasasalamat ng aktor dahil hanggang ngayon ay nananatiling isang Kapamilya. Kamakailan ay muling pumirma si JC ng kontrata sa network. “I’m still growing as an actor. Patuloy pa ring binibigyan ng mga magagandang opportunities. I’m still challenged, I’m still motivated. Dito nabansagan tayong versatile actor which is nakaka-pressure pero I’m up to the challenge. ‘Yon naman ‘yung dahilan kung bakit tayo nandito, to perform and to entertain,” paglalahad ni JC.
Para sa aktor ay talagang nasubok ang kanyang kakayahan sa trabaho mula nang lumipat sa bakuran ng ABS-CBN. Malapit nang mapanood ang seryeng Nobody na pinagbibidahan ni Gerald Anderson kung saan ay kabilang din si JC. “Ever since na naging Kapamilya ako, palagi akong tini-test ng network na gumawa ng roles na always out of my comfort zone. Masasabi ko talaga na during my stay dito sa Kapamilya, wala akong challenge na hindi ginawa. Parang lahat out of my comfort zone talaga,” giit ng aktor. (Reports from JCC)
- Latest