Kabayan, handa na ulit magpakilabot

Kabayan Noli De Castro
STAR/ File

Handa muling manindak si Kabayan Noli de Castro ngayong Undas, hatid ang mga panibagong kwento ng kababalaghan at mga hindi maipaliwanag na mga pangyayari na nahuli sa kamera sa ika-anim na edisyon ng Kababalaghan: Pagkagat ng Dilim horror special ng ABS-CBN News.

Muling nabuhay ang usap-usapan sa misteryosong bayan ng “Biringan” sa Gandara, Samar kung saan huli sa CCTV ang isang pasahero ng bus na biglang naglaho nang bumaba sa sasakyan at tumawid sa kalsada.

Isang babae naman sa Taytay, Rizal ang hindi matahimik nang dahil sa sinumpang salamin na sinasaniban umano ng mga masasamang espirito. Sa hinalang matatapos ang sumpa, binasag niya ang salamin. Subalit, patuloy lamang sila sa paggambala sa kanya nang makahanap ng bagong pagtataguan sa salamin ng kanyang yumaong ina.

Bibisita naman si Kabayan sa isang housing project sa Central Luzon na nababalot umano ng lagim. Ang mga pamilyang naninirahan doon nakakakita umano ng masasamang elemento, gaya ng mga engkantong ginagaya ang kanilang mga mahal sa buhay at aparisyon ng Black/White Lady mula sa patay na puno ng Balete.

Abangan ang mga kwentong ito sa Kababalaghan 6: Pagkagat ng Dilim ngayong Linggo (Nov. 3), 8:30 ng gabi sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, A2Z, at ABS-CBN News’ online platforms.

100k Globe customers, sinorpresa ang 3,668 na kapus-palad

Sa isang panibagong highlight ng taunang G DAY celebration, tinipun-tipon kamakailan ng Globe ang 100,000 customers para maghatid ng saya sa 917 kapus-palad na pamilya sa pamamagitan ng G-Gantic Goals kung saan nagkaroon sila na ‘di malilimutang Family Day with a surprise movie treat, at grocery ay food package.

Sa tulong ng Globe Rewards, pinatibay ng inis­yatibong ito ang epekto ng National Family Week at ipinakita ang diwa ng pagkakaisa sa mga customer at partner ng Globe.

Ang G-gantic Goals, isang bagong community engagement feature sa GlobeOne app, ay naghikayat sa 100,000 Globe customers na gamitin ang 1 Rewards point para ma-unlock ang family day para sa 917 pamilya o 3,668 miyembro ng pamilya na suportado ng Hapag Movement, ang kampanya ng Globe laban sa kagutuman.

Tulad ng isang gamified fundraising drive, ipinakita ng G-gantic Goals ang real-time progress ng pinagsama-samang pagsisikap sa pamamagitan ng GlobeOne app, na nag-udyok sa mga customer na imbitahan ang iba pa na makiisa. Naabot ang layunin limang araw bago ang itinakdang panahon.

Ang iba pang mga partner ng Hapag Movement kung saan mahalaga ang suporta sa pag-organisa ng sabay-sabay na family dates ay ang Ayala Foundation at Scholars of Sustenance Philippines. Ang mga kontribusyon mula sa Ayala Malls Cinemas at Puregold Price Club, Inc. ay may mahalagang tungkulin sa pagpapasaya ng araw sa mga pamilyang kalahok.

Samantala, ang mga customer na nais tumulong ay maaaring patuloy na magbigay ng direktang donasyon sa pamamagitan ng GlobeOne app sa Hapag Movement’s partner organizations kabilang ang UN World Food Programme, Ayala Foundation, Tzu Chi Foundation, Scholars of Sustenance, at Pro­ject PEARLS.

Angela Ken, may back-to-back singles

Mensahe ng pag-asa at pag-ibig ang ibinahagi ng singer-songwriter na si Angela Ken sa kanyang back-to-back singles na Pansinin Mo Naman Ako at Kulimlim.

Unang single ni Angela ang Pansinin Mo Naman Ako sa ilalim ng Inspire Music na umiikot sa pagtitiwala sa plano ng Panginoon. Isinulat ni Jamie Rivera ang awitin habang binuo naman ni Moy Ortiz ng The CompanY ang musika nito.

Samantala, ibinida naman niya sa Kulimlim ang tapat na pagmamahal para sa isang tao na handa niyang damayan sa gitna ng pagsubok. Isinulat ito mismo ni Angela at iprinodyus ni Nhiko Sabiniano ng Nameless Kids sa ilalim ng Tarsier Records.

Kamakailan ay napanood si Angela bilang isa sa mga bida sa musical na Once on this Island at The 25th Annual Putnam County Spelling Bee. Una siyang nakilala nang ibinahagi niya ang creative process sa likod ng pagbuo ng kanyang unang single na Ako Naman Muna na naging big hit. Noong 2022, inilabas niya ang self-titled debut album na umani ng mahigit 52 million streams sa Spotify.

Natanggap niya ng Kapamilya artist ang iba’t ibang parangal tulad ng Awit Awards Best Inspirational Song para sa Ako Naman Muna at Catholic Mass Media Awards Best Secular Song para sa It’s Okay Not To Be Okay.

Available ang bagong singles ni Angela na Pansinin Mo Naman Ako at Kulimlim sa iba’t ibang digital streaming platforms.

Show comments