Sa susunod na Biyernes na gaganapin sa Music Museum ang Ice Seguerra Videoke Hits: OPM Edition Isa Pa concert. Ayon kay Ice ay talagang nahirapan siya sa pagpili ng mga kanta para sa nalalapit na concert. “Ito ‘yung mga piling-piling OPM songs na sa totoo lang nahirapan talaga ako gumawa ng line-up for this more than the first one. Ito kasi maraming magandang OPM talaga. umabot sa 420 (songs), ang hirap i-trim down. Ang nangyari, ang daming naging medley,” nakangiting kwento ni Ice.
Ang asawang si Liza Diño ang Creative Director ng concert. Magkatulong sina Ice at Liza sa pagpili mula sa daan-daang listahan ng mga kanta hanggang sa maging tama ang bilang nito. “25 lang ang final list. Ang daming medley, anim na kanta. Parang mga 40 plus songs, 50 kung talagang iisa-isahin mo ‘yung songs na hindi siya medley. Ang pinaka-favorite namin diyan na inilagay namin sa Ice-cified, mayroong Bikining Itim, Isang Linggong Pag-Ibig. But again, we rearranged in a different way. Meron kaming BINI, SB19,” pagdedetalye ng dating child star.
Matatandaang matagumpay ang naunang Videoke Hits concert ni Ice noong May. Nasundan ng isa pang concert ni Ice noong September lamang. May plano na rin ang singer na magkaroon ng world tour para sa mga kababayan natin sa iba’t ibang panig ng mundo. “We really plan to tour this time. Different cities all over the world. Mayroon na po kaming kausap sa Australia, Canada, hopefully sa Middle East din. I really wanna bring this to Singapore and Hong Kong also. Kasi marami tayong OFWs doon eh. Sa totoo lang, whenever I sing for OFWs, iba ‘yung joy na nararamdaman ko. Kasi nararamdaman mo rin ‘yung pagka-miss nila sa Pilipinas,” pagbabahagi ng singer.
Erik, may live album na!
Nailunsad na ang Erik Santos: The Greatest Hits album kamakailan. Ito ang kauna-unahang live album ni Erik sa nakalipas na dalawang dekada niya sa music industry. “First time ko magkaroon ng vinyl album and first time ko din in 21 years na magkaroon ako ng live album,” bungad ni Erik.
Malaki ang pasasalamat ng singer dahil aktibo pa rin sa industriya hanggang ngayon. Unang nakilala si Erik bilang grand champion ng Star In A Million noong 2003. “Sobra akong grateful, sa Star Music na dati Star Records pa lang, my ASAP family, my ABS-CBN family, my Cornerstone family. Si Tito Boy siyempre, siya ang naka-discover sa akin. Itong album na ito is the summary of my journey as an artist. Ito ‘yung kuha sa concert ko last year sa MOA Arena. Mapapakinggan po nila ito sa album,” paglalahad ng singer. (Reports from JCC)