Carla, nag-rescue ng aspin sa NLEX!

Ang bongga naman ng aktres na si Carla Abellana na nag-rescue ng isang aspin sa NLEX.

Ipinost niya ang video kung saan ipinapakita niya ang aso na nasagasaan sa gitna ng NLEX.

Nadurog daw ang puso niya sa iyak nito at nagmakaawa siya sa kanyang driver na huminto agad dahil hindi niya ito kayang iwan, patay man o buhay.

Pagka-park daw nila ay agad niyang kinuha ang kumot niya at agad tumakbo para puntahan ito.

Nang makita raw nila ito ay agad nilang dinala sa pinakamalapit na 24/7 Vet hospital.

Nilagay raw nila ito sa sahig ng kanyang van na nakabalot sa kumot at umupo raw siya sa tabi nito na siniguradong gising ang aso at ‘di nilalamig. Kinuha raw niya ang rosary niya at nilagay sa ulo nito at dinasalan.

Kinakausap daw niya ito habang nasa byahe sila at nagmakaawa rito na lumaban.

Nang makarating daw sa vet hospital ay himala raw na wala itong bali sa buto. Ang lakas nga raw nito ayon sa vet na himala raw talaga.

Kaya panawagan niya ay huminto para sa mga hayop sa kalsada at kung makakasagip ng buhay ay gawin ito.

Kathryn, monsters ang mga bagong kaibigan

Nakisali na rin ang Kapamilya actress na si Kathryn Bernardo sa Labubu fever.

Ipinost ng Hello, Love, Again actress ang litrato niya kasama ang mala­laking Labubu dolls na mga bago raw niyang kaibigan.

“Made new fwends today..” caption niya sa kanyang post.

Kung sa iba nga ay bag charms ang kinaaadikan, si Kathryn naman ay malalaki ang mga nasabing manika na Monsters Zimomo dolls daw.

Ilan nga sa mga celebrity gaya nina Heart Evangelista, Marian Rivera, Jed Madela, Ruffa Gutierrez, Annabelle Rama, Jinkee Pacquiao ang nangongolekta rin nito.

Kamakailan nga ay pati rin si Anne Curtis ang cute na cute sa nasabing bag charm.

Show comments