Hindi lang sa Bicol, kundi pati sa Batangas ay matindi rin ang pagsalanta ng bagyong Kristine.
Humihingi rin ng tulong si Luis Manzano para naman sa mga Batangenyo.
Tumatakbong Vice Governor si Luis, at ang kapatid niyang si Ryan Christian Recto ay bilang Congressman.
Na-groom na sila nina Vilma Santos at Finance Secretary Ralph Recto para sa public service, at nakikita na raw ng Star For All Seasons ang hangarin ng kanyang mga anak na magserbisyo sa publiko.
Nakausap namin si Ate Vi sa Troika Talk at nagpaliwanag siya kung bakit gusto niyang makasama ang kanyang mga anak sa pagtakbo sa darating na eleksyon.
“Alam mo sa totoo lang, it cannot be always ito na lang tayo nang ito. ‘Yung sistema natin sa pulitika. Sinasabi nga nila, ‘yung dynasty, dynasty. Yeah! The system in politics… you asked me right now, hindi pa rin naman ako kuntento e. Kasi naranasan ko rin ‘yan for 24 years,” pakli niya.
“Kahit paano naman, I think may mga challenges naman dumating sa buhay ko diyan. Like ‘yung pagboto sa ABS-CBN na natira kami labing-isa na lang. Things like that. Tinanggalan ako ng committee because I stood my ground sa death penalty. So, marami rin akong challenges na ganyan.
“Ngayon, nahihilingan bumalik. You get me?
“Alam ‘yan ng Batangenyo, and para magbigay sa alam kong kaya ko pang i-offer, I just need people that I do trust, and I think I can work more effectively this time.
“I really don’t mind… I know, sabihin na nila, anyway demokrasya tayo, boboto sila. Cliché na ‘yang dahilan na ‘yan, I know, kung may batas man tayo or what. But I just feel comfortable working with my son. You know why? Because I need energy in serving our people. I need fresh ideas, a younger ideas.
“Alam mo ibig kong sabihin, to get the Gen Z, millennials ngayon. Kasi sila ang 65 percent ngayon. Itong may mga energy e. ‘Yung fresh perspective, how to go about and deal with young people. ‘Yun ‘yung naiisip ko as senior, alam ko ang gagawin ko, alam ko ‘yung programa ko. But I need new blood. We need… actually we need new blood. Ito ‘yung pagbibigay ng pagkakataon. Ito’y ino-offer lang naman. Kung pagkakatiwalaan n’yo, nasa inyo naman e. You get me?,” dagdag na pahayag ni Ate Vi.
Ate Guy, nagsalita sa pagbebenta ng damit
Natuwa ang subscribers ng vlogger na si Boss Toyo nang in-upload nito kamakailan lang ang pagpunta ni Nora Aunor sa kanyang shop para humingi ng donasyon para sa mga taga-Bicol na nasalanta ng bagyong Kristine.
Matagal na palang inimbita ni Boss Toyo si Ate Guy sa pumunta sa kanyang shop dahil marami siyang items na binenta roon ng fans niya.
Kaya napapirma pa roon ang ibang Nora Aunor dolls na hindi nga alam ng National artist na iginawa siya ng mga ganung items.
Pero dahil sa hinihinging donasyon, pinagbigyan ito ni Ate Guy.
Dala ni Ate Guy ang damit niyang isinuot nung naging grand champion siya sa Tawag ng Tanghalan noon 1967.
Nilinaw ni Ate Guy na hindi niya binebenta ang damit na ‘yun, dinala lang niya para makahingi ng tulong para sa mga kababayan niya sa Bicol na nakakaawa ang kalagayan ngayon dala nitong bagyong Kristine.
“Kaya ko po dinala para makita po ninyo. Ang pakay ko po talaga ay para makatulong po kayo sa mga kababayan po natin na nasalanta ng bagyong si Kristine sa Bicol,” pakli ni Ate Guy.
Namangha si Boss Toyo, dahil talagang swak na swak daw ‘yun sa ipapatayo niyang Museum sa January next year.
Kaya, ilalagay rin daw ito ni Nora sa kanyang museum.
Nagpakumbaba pa si Ate Guy na sinabi niyang pumunta lang siya roon para makahingi ng tulong, at hindi raw ginamit ang pagiging artista niya o superstar.
“Pare-pareho lang po tayo. Wala pong superstar… wala pong artista sa pag-uusap po natin. Ordinaryong tao lang po tayo,” sabi pa niya.
Nagpasalamat si Ate Guy dahil hindi naman siya nabigo, nagbigay sa kanya ng donasyon si Boss Toyo.
Ayon sa ilang napagtanungan namin, marami-rami na raw naipon si Ate Guy na items na puwede nang ipadala sa Bicol. Pero nag-iipon pa raw siya dahil ang gusto nito, marami siya madadala doon sa kanyang mga kababayan.