Angela Ken, naglabas ng back-to-back singles

Mensahe ng pag-asa at pag-ibig ang ibinahagi ng singer-songwriter na si Angela Ken sa kanyang back-to-back singles na Pansinin Mo Naman Ako at Kulimlim.

Unang single ni Angela ang Pansinin Mo Naman Ako sa ilalim ng Inspire Music na umiikot sa pagtitiwala sa plano ng Panginoon. Isinulat ni Jamie Rivera ang awitin habang binuo naman ni Moy Ortiz ng The CompanY ang musika nito.

Samantala, ibinida naman niya sa Kulimlim ang tapat na pagmamahal para sa isang tao na handa niyang damayan sa gitna ng pagsubok. Isinulat ito mismo ni Angela at iprinodyus ni Nhiko Sabiniano ng Nameless Kids sa ilalim ng Tarsier Records.

Kamakailan ay napanood si Angela bilang isa sa mga bida sa musical na Once on this Island at The 25th Annual Putnam County Spelling Bee. Una siyang nakilala nang ibinahagi niya ang creative process sa likod ng pagbuo ng kanyang unang single na Ako Naman Muna na naging big hit. Noong 2022, inilabas niya ang self-titled debut album na umani ng mahigit 52 million streams sa Spotify.

Natanggap niya ng Kapamilya artist ang iba’t ibang parangal tulad ng Awit Awards Best Inspirational Song para sa Ako Naman Muna at Catholic Mass Media Awards (CMMA) Best Secular Song para sa It’s Okay Not To Be Okay.

Available ang bagong singles ni Angela na Pansinin Mo Naman Ako at Kulimlim sa iba’t ibang digital streaming platforms.

Show comments