Ang pait ng iyak ni Sanya Lopez kahapon sa ginanap na Pandesal Forum kung saan pinag-usapan ang Justice for Filipino Comfort Women #FlowersForTheLolasCampaign na ginanap sa Kamuning Bakery.
Gumaganap na comfort woman si Sanya sa historical series ng GMA 7 na Pulang Araw.
Bago sumabak sa taping ng Pulang Araw nag-immersion siya. Nakipag-usap sa totoong comfort women at ang mga taong tumutulong sa kanila upang makamit ang hinihinging hustisya sa sinapit na pang-aabusong sekswal noong World War II sa kamay ng mga Hapong sundalo. Madadala ka sa iyak ng Kapuso actress. “Nung una ko silang makasama.... sorry po... very emotional po talaga ako sa ganito. Kasi totoo po ang nangyari sa kanila, sa nangyari sa mga kababaihan noong panahon ng WW II.
“At nung naimbitahan kasi ako sa mga tumutulong para sa comfort women, nakakalungkot po na dalawa na lang po sa kanila ang natitirang buhay. Kailan kaya nila matatanggap ang hustisya na nararapat para sa kanila. Kasi konti na lang sila, kaya kailan pa? (habang pinupunasan ni Sanya ang kanyang luha).
“Pasensiya na po kasi nung nakausap ko sila, sobrang durug na durog din po ako. Sobrang sakit po sa puso na marinig ‘yung kuwento nila.
“Dahil totoo po ‘yung nangyari sa kanila, at hindi po biro.
“Isa po sa mga tumatak sa akin doon ‘yung kuwento ni Lola Isang (Narcisa). Sabi niya po, kapag nakikita niya ang mga kabataan ngayon, ‘masaya sila, kung siguro ako ‘yun ngayon, siguro ang saya-saya ko.’ Dun pa lang, doon ko na-realize sobrang sakit na ‘yun.
“Sobrang suwerte pala natin na hindi natin naranasan ‘yung naranasan nila nung panahon ng Hapon. Napakapalad po natin na hindi natin naranasan ‘yun.
“Kaya sabi ko... nung ginawa ko po itong Teresita rito sa Pulang Araw, mas na-appreciate ko po at ginawa kong inspirasyon ‘yung mga nangyari sa kanila para mas galingan ko pa at pagbutihan upang bigyan ng kredibilidad ang pagganap ko po rito bilang si Teresita.
“Kaya sa mga lola po natin na nakipaglaban, nakipagsapalaran... ‘yung pinaglaban nila ang sarili nila bilang kababaibahan, saludo po ako sa inyo, saludo po ako sa katatagan ninyo kaya ito pong Pulang Araw asahan po ninyo na isa ito sa magiging boses ng ating comfort women.
“Istorya po nila ito, kaya sana ay suportahan natin at sana ay makatulong ang Pulang Araw upang pakinggan ang kanilang mga pinaglalaban kayo po ang inspirasyon namin lalo na ng mga kababaihan ngayon at sa mga susunod pang henerasyon,” mahabang pahayag ni Sanya kahapon sa Pandesal Forum hosted by Wilson Flores sa kanyang ginagampanang papel sa war drama series.
Pero hindi raw ibig sabihin nito ay ayaw na niyang mag-travel sa Japan.
“Masarap kasi talaga po ang pagkain nila. Saka mababait din naman po sila sa amin, sa atin, sa totoo lang po, hindi naman ako nagagalit sa mga tao ngayon, siguro kung magagalit ako sa kanila, siguro nung World War II na bakit nila ginawa ‘yun.
“Pero sa ngayon andun nga ‘yung sabi nila na pwede tayong magpatawad, pero hindi natin makakalimutan kung ano ang ginawa nila. Sana nga ay maging aral ang nangyari noon sa bagong henerasyon ngayon,” katwiran pa ng Pulang Araw star.
Bukod kay Sanya ay dumalo rin kahapon sa Pandesal Forum si Ashley Ortega at nakiisa sa panawagan ng grupong Flowers for Lolas na hustisya para sa Filipino comfort women.
Gumaganap bilang mga comfort women sa nasabing serye sina Sanya at Ashley.
Sa ngayon, pakiramdam ni Sanya ay malaki ang impact ng kanilang ginagampanan upang magkaroon ng awareness ang mga manonood sa dinanas ng mga kakabaihan noong panahon ng giyera.
“Based sa mga nare-receive kong feedback, may impact na talaga at nakakarating na ito sa gobyerno. Mas nagiging aware na ngayon ang mga tao kaya naniniwala ako na ang hustisyang nararapat para sa comfort women ay matatanggap nila. Nagiging matapang at nagkakaboses na ang kababaihan.”
Ayon naman kay Ashley, “I will continue to be a voice and spread awareness tungkol sa mga nangyari noong World War II. I will do my job and responsibility to give justice to my role para maipakita sa mga tao ang totoong nangyari noon.”
Napapanood ang makabuluhang kuwento ng Pulang Araw, Lunes hanggang Biyernes tuwing 8:00 p.m. sa GMA Prime.