Nakababahala at nakalulungkot ang kalagayan ng mga nasalantang bagyo ng Kristine, lalo na sa Kabikulan.
Noong Martes ng gabi pa lang ay ang bilis na tumaas ang tubig, ang daming stranded at kailangan nilang ma-rescue.
Kahapon din ay naglabas pa ng advisory ang Philippine Weather System na sinabing “The worst is yet to come!”
Itinaas na sa signal no. 2 sa Kamaynilaan, at inaasahan ang pagtama ng malakas na bagyo sa Isabela at sa Northern Luzon kaya inaasahang kanselado ang iba pang events ngayong araw hanggang bukas.
Nag-post si DJ Jhaiho na kinansela nila ang mall show ng Pamilya Sagrado sa Cagayan. “Mahalaga sa amin ang kaligtasan at seguridad ng aming mga Kapamilya. Abangan ang aming anunsyo ng mga bagong petsa ng Bida Kapamilya upang patuloy na makapaghatid ng saya at tuwa sa mga Kapamilya,” bahagi ng FB post nito.
Humingi rin ng paumahin ang pamunuan ng Tanghalang Metropolitan, Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining (NCCA), Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas (NHCP) at ang Panlalawigang Tanggapan ng Kasaysaysan, Sining, Kultura, at Turismo (PHACTO) ng Bulacan dahil ipinagpaliban ang SINEliksik Bulacan sa Metropolitan Theater (MET) na nakatakda ngayong Miyerkules ng 1:00-6:00 P.M.
Kahapon din ay nag-post sa Facebook account ng Parokya ni Edgar na hindi muna sila makabalik ng Maynila pagkatapos nilang mag-show sa Sorsogon kasama ang Flow G at Skusta Clee.
Sabi sa FB post ng Parokya ni Edgar; “Stranded kami sa Sorsogon. Di kami maka-uwi. Cancelled lahat ng flights. Delikado din mag-roadtrip. So naligo na lang kami sa ulan. Stay safe everyone!!!”
Kaya may mga events pa ngayong araw hanggang sa Biyernes na kinansela na rin.
Dapat ay bukas na ang grand finals ng Mr. Grand Philippines 2024 na gaganapin sa Metrotent Pasig, pero kinansela na rin muna ito.
Bahagi ng inilabas na announcement ng National director nitong si Mr. Rex Belarmino; “In light of the impending threat posed by Typhoon Kristine, we regret to announce that the highly anticipated Mister Grand Philippines 2024 Finals Night has been rescheduled to a later date (TBA). The safety and well-being of all involved are our utmost priority, prompting this necessary decision.”
Ang tickets sa araw na iyun ay magagamit pa rin naman sa mapagpasiyahang date ng competition, o puwede ring i-refund.
Magbibigay sila ng update sa kanilang social media account kung kailan na ang final date ng Mr. Grand Philippines 2024.
Katatapos lang ng mga kandidato na mag-seminar sa King of Talk Boy Abunda kung ano ang dapat gawin sa question and answer portion.
Samantala, isa sa nalungkot at nag-iisip na magpadala ng tulong at ayuda sa Bicol ay si Sen. Lito Lapid na kamakailan lang ay dineklara siyang adopted son ng Iriga City.
Paliwanag ni Sen. Lapid, itinuring niyang tunay na ama ang kanyang amain na si Alberto Vargas na nagtitinda roon ng balut at pandesal.
Pero nagkakilala raw ang kanyang stepfather at ang kanyang ina sa isang bakery sa Pampanga, at kinilala na niyang tunay na ama, dahil itinuring din siyang tunay na anak.
Hanggang February na lang ang Pinuno Sen. Lito Lapid sa Ang Batang Quiapo, dahil sa magsisimula na ito sa pangangampanya.
Pero pati pala si Lorna Tolentino ay kasama rin sa magpapaalam sa Ang Batang Quiapo sa February dahil sila ni Sen. Lapid ang laging magkasama sa mga eksena.
Kaya tuluy-tuloy ang taping nila ngayon, at magiging abala na rin si Lorna sa promo ng Espantaho para sa 50th Metro Manila Film Festival.