Nagwakas na noong Biyernes ang Abot-Kamay Na Pangarap na pinagbidahan ni Jillian Ward. Mahigit dalawang taong napanood sa ere ang naturang serye ng GMA Network.
Magkahalong emosyon ang naramdaman ni Jillian dahil sa pagtatapos ng proyekto. “Pagkasabing ‘Pack-up na!’ Naiyak po talaga ako (sa huling araw ng taping) hanggang pag-uwi ko po umiiyak po ako. Ngayon malungkot po ako pero mas nananaig po ‘yung gratefulness na tumagal po nang ganito ‘yung Abot-Kamay Na Pangarap. So malungkot pero masaya ako na nagawa po namin ito,” nakangiting pahayag sa amin ni Jillian sa Fast Talk with Boy Abunda.
Ginampanan ng dating child star ang karakter ni Dr. Analyn Santos. Mas tumaas umano ang respeto ni Jillian sa mga doktor na nakatutulong sa lahat ng mga pasyenteng mayroong pangangailangan. “Nakita ko po kasi kung gaano kahirap ‘yung trabaho ng mga doktor. So natutunan ko po na mas respetuhin ‘yung ginagawa nila unang-una sa lahat.
“Nung nag-immersion kasi sa ospital mayroon pong mga nagpa-picture sa amin. Bilang artista po, do’n ko na-feel ‘yung ang dami po pala naming napapasaya talaga,” paliwanag ng Kapuso actress.
Samantala, nakahanda na raw si Jillian na pagtuunan ng panahon ang kanyang buhay pag-ibig. Sa edad na 19 na taong gulang ay wala pang kasintahan ang aktres.
Ayon kay Jillian ay binigyan siya ng mga payo ng kasamahan sa serye na si Carmina Villarroel tungkol sa pag-ibig. “To be clear wala po akong love life. Sabi niya po, lagi kong titingnan kung paano trinatrato ng isang tao ‘yung kanyang mga magulang. Kasi kung gaano niya kamahal ‘yung parents niya, gano’n ka niya mamahalin. Recently sabi ko tapos na po ‘yung Abot-Kamay na Pangarap. Two years po ako na puro work lang talaga. Feeling ko deserve ko na rin pong kiligin kahit paano,” makahulugang kwento ng dalaga.
Alden, nagpasalamat sa paghawak ni Kathryn
Taong 2019 nang unang magkatambal sina Kathryn Bernardo at Alden Richards sa pelikulang Hello, Love, Goodbye. Mula noon ay naging magkaibigan na ang dalawa.
Ngayon ay muling nagkatrabaho ang tambalang KathDen sa Hello, Love, Again na mapapanood sa mga sinehan sa susunod na buwan. Ayon kay Alden ay talagang malaki na ang ipinagbago ng aktres sa nakalipas na limang taon. “She’s going through adulthood na rin at the same time, big girl na ‘yan! ‘Yon lang, parang she always asks me how is it like, you know, sa business side,” pagtatapat ni Alden.
Aminado ang Kapuso actor na maraming mga leksyon sa buhay ang kanyang mga natutunan mula kay Kathryn. “Nakakatuwa din na I get a lot of notes also kay Kath na how to take life not too seriously. Just keep swimming,” dagdag ng binata.
Malaki ang pasasalamat ni Alden dahil sa patuloy na pagtitiwala ni Kathryn sa kanya.
Ayon sa aktor ay nagawa niya nang maayos ang mga eksena sa bagong pelikula dahil sa tulong ng dalaga. “I think hindi ko magagawa ‘tong project na ‘to without you (Kathryn).
“So I’m very grateful and maraming salamat sa paghawak sa kamay ko in this project,” pagtatapos ng Kapuso actor. — Reports from JCC