MANILA, Philippines — Nagluksa ang mga foreign celebrity sa pagkamatay ng dating miyembro ng One Direction na si Liam Payne kasunod ng isang malagim na insidente na ibinalita noong Huwebes.
Kabilang sa mga nakaalala ang American singer na si Charlie Puth kung paano naging isa si Liam sa mga unang celebrity na nakatrabaho niya noong nagsisimula siya sa music industry.
Ang British singer na si Liam Payne, na dating miyembro ng best-selling pop group na One Direction, ay namatay noong Miyerkules sa edad na 31 matapos mahulog mula sa ikatlong palapag ng isang hotel sa Buenos Aires, ayon sa pulisya ng Argentina.
“Liam James Payne, composer and guitarist, former member of the band One Direction, died today after falling from the third floor of a hotel in Palermo,” sabi ng isang pahayag ng pulisya sa Agence France-Presse.
Ayon sa pa sa nasabing ulat, dumanas ito ng, “very serious injuries incompatible with life as a result of his fall,” ayon sa pinuno ng SAME emergency medical service ng Buenos Aires, Alberto Crescenti, sa lokal na telebisyon, at idinagdag na “there was no possibility of resuscitation.”
Dumating diumano sila makalipas ang pitong minuto at “pinatunayan ang pagkamatay ng isang lalaki, na kalaunan ay nalaman naming isang mang-aawit,” ayon pa sa report ng AFP.
Ang One Direction ay sumikat noong 2010 na binubuo nila nina Niall Horan, Harry Styles, Louis Tomlinson at Zayn Malik.
Taong 2016 nang inanunsyo ng grupo na magpapahinga sila pero hindi raw maghihiwalay.
Nagkanya-kanya sila ng career at dumalo pala siya sa concert ng dating ka-banda na si Horan sa Buenos Aires noong Oktubre 2, ayon sa Billboard Magazine.
Wala pang inilalabas ang pulisya kung ang nasabing insidente ay sinadya o ‘di sinasadya.
Trending agad sa Twitter ang pagluluksa ng fans ng One Direction.