Muling magbabalik ang Fifth Wall Fest sa Oktubre 19-20 2024 na may kapana-panabik na bagong kabanata. Ang edisyong ito ay pangungunahan ng UK’s Alexander Whitley Dance Company (AWDC) at Otmo, isang makabagong virtual reality platform na naglalayong ipakita ang natatanging pagsasanib ng teknolohiya at sining. Ang AWDC, na kilala sa nangungunang paggamit nito ng teknolohiya para pagbabago ng hugis ng sayaw, ay may handog na hands-on VR sessions sa mga participant para tuklasin ang dynamic intersection ng physical movement at digital creation.
Sa suporta ng British Council, magkakaroon ng pagkakataon ang mga kalahok na makiisa sa immersive workshop at ma-explore ang Otmo, na pinagsasama ang sayaw sa digital art at technology. Ang workshop na ito ay muling nag-uugnay sa hinaharap ng malikhaing kolaborasyon, ipinapakita kung paano mapapalakas ng teknolohiya ang artistic expression.
Pinagdiinan naman ni Andrei Nikolai Pamintuan, Head of Arts ng British Council, ang potensyal ng teknolohiya sa creatives.
Ang OTMO ay para sa mga choreographer, movement director, dancer, at dance educator na nais tuklasin at limikha nang walang access sa studio space at dancers.
Para rin ito sa mga software at game animators, programmers at developers na gusto ng madaling tool na may high quality movement content at simple pero powerful timeline feature.
At para rin ito sa filmmakers, designers, at mocap creators na gustong suportahan ang kanilang creative practice sa pamamagitan ng access sa 3D space kung saan maaari nilang i-storyboard, i-pre-visualise at planuhin ang kanilang visual content at camera positions bago ang isang proyekto, at ganon din sa mga movement enthusiast na curious lamang sa virtual reality.
Samantala, nagsimula ito online noong 2020 bilang home-based dance film festival noong pandemya at lumago at naging Philippines’ premier international movement platform. Gaganapin ito ngayong taon sa makasaysayang tahanan ni Narcisa’ Doña Sisang’ V. Buencamino-de Leon, ang dating presidente ng LVN Pictures, na institusyon na tumulong humubog sa first golden era ng Philippine cinema.
Available ang tickets sa https://fifthwall.helixpay.ph.
One Piece, hiatus muna!
Inanunsyo ng Toei Animation na ang legendary anime series na One Piece ay magkakaroon ng hiatus matapos ang paglabas ng Episode 1122. Magbabalik ito sa April 2025 with fresh episodes mula sa Egghead arc. Habang ito’y naka-hiatus, makakaasa ang fans sa mga bagong content, kasama na ang One Piece Log: Fish-Man Island Saga, isang special re-envisioned edition ng iconic arc na mapapanood sa Crunchyroll.
Ipapakita ng special 21-episode cutdown na ito ang Fish-Man Island Arc sa isang fresh look and feel, na magdadala ng makabagong visual style at bagong animation sequences, kasama na ang opening and ending themes. Ang bagong opening theme na “We Go!” ni Kitadani Hiroshi, ay may kasamang special guest collaboration na malapit nang ianunsyo. Habang ang ending theme na “Sailing” (TV version) ng BE:FIRST, ay nagdadagdag ng bagong touch.
Dinisenyo upang ipakita ang diwa ng fan-favorite storyline sa maikling format, inaasahang muling mabibihag ng One Piece Log: Fish-Man Island Saga ang mga tagahanga ng One Piece fans sa buong mundo.
Dagdag pa rito, isang espesyal na 25th Anniversary Episode ang ipapalabas sa Oktubre 20, na magbibigay pugay sa walang katapusang legacy sa pamamagitan ng 30-minute ensemble na maglalarawan sa Straw Hat crew mula sa pananaw ng non-pirate characters.
Samantala, ang One Piece ay batay sa manga ni Eiichiro Oda, na tungkol sa pakikipagsapalaran ni Monkey D. Luffy at kanyang Straw Hat Pirates upang hanapin ang ultimate treasure, ang One Piece, at maging Pirate King.