Totoo kayang isang kilalang bangko at food chain ang umatras nang magpa-endorse kay Carlos Yulo dahil sa isyu pa rin sa kanyang magulang?
Tahimik na rin naman sila, pati ang pamilya ng two-time Olympic gold medalist dahil ang gusto naman ng lahat ay magkaayos na sila.
Pero hindi nakaka-move on ang ilang netizens at sila ang patuloy na nagpapatutsada laban kay Carlos.
Mas napunta sa magulang na sina Angelica at Mark Andrew Yulo ang simpatiya ng karamihan.
Pero hindi pa rin nakakalimutan ang karangalang ibinigay sa bansa, kaya marami pa ring tagahanga si Carlos, kasama ang girlfriend, kaya ang dinig namin meron namang isang bangko ang kumuha sa kanya. Abangan natin ‘yan.
Kahapon ay ipinagdiwang ng ama ni Carlos Yulo ang kanyang kaarawan, at ipinost nga ng asawang si Angelica ang kanyang pagbati.
As of presstime ay inaabangan pa rin namin kung babati ba si Carlos sa kanyang ama.
‘Yun sana ang magandang birthday gift kay Mark Andrew Yulo kung tinawagan siya ng kanyang anak para batiin. Sana!
Vivamax naging VMX, naghahanap ng bagong star
Ang Italian sexy actor na si Nico Locco ang nag-host sa celebration ng Sandosenang Saya ng Vivamax na umabot na ng 12M subscribers. Kasabay nito ay inilunsad nila ang bagong logo ng Vivamax na naging VMX na.
Maraming pasabog ang VMX, pero ang isa sa pinag-usapan ay ang lovelife ni Nico na kung saan ay kinumpirma nitong hiwalay na sila ng sexy actress at co-host sa Wil To Win na si Christine Bermas.
Ayaw idetalye ni Nico ang dahilan ng hiwalayan, dahil pribado na raw ito sa kanilang buhay. Pero aminado siya na ito ang pinakamasakit na breakup na naranasan niya.
May usap-usapang may third party na kinasangkutan ni Nico, pero ayaw na niyang sagutin ‘yun. “Whatever happened between me and Christine, ‘yun ang personal and private namin. Para sa akin, I keep it that way kahit unfair para sa akin, kahit unfair para sa kanya, it doesn’t matter. It’s still private and that’s my respect for her and also her family,” dagdag niyang pahayag.
Base sa mga sagot niya, tila bad breakup ang nangyari, dahil ramdam naming may galit si Nico sa dating girlfriend. Pero ayaw pa rin niya itong sagutin.
“So hard you know, it’s so hard. Like, I said, love na love ko siya. I never loved so much as her na talagang you think you gonna marry somebody. ‘Yan ‘yung feeling ko sa kanya,” pakli niya.
Nasa proseso pa rin daw siya ng pag-move on, at mabigat daw niya itong dinadala.
“So right now nasa dark room ako, and walang light. So eventually, sana may light, and sana may isang beam of light, tapos I’ll follow that beam of light and I’ll find happiness.
“I’m still in the process. I’m depressed,” sabi pa ni Nico Locco.
Samantala, ipinagmalaki na rin ng VMX na global na sila.
Meron nang licensed titles ang Vivamax sa Japan, South Korea, Taiwan, Germany, Mongolia, Austria, Switzerland, at Liechtenstein. Available ang streaming app sa 78 countries.
Dagdag na pasabog na announcement ay meron na rin daw silang Search for the Next VMX Star. Open ito sa mga babaeng edad 18-21, Pinay o naninirahan sa Pilipinas, at walang kontrata sa alinmang talent management agency. Sa Nov. 15 ang deadline ng submission of applicants.
Puwede n’yong i-check ang iba pang details sa Facebook page ng Vivamax Philippines.
Ang isa pang exciting na announcement nila ay magkakaroon na rin ng VMX Film Festival next year na baka gagawin nila sa summer.
Si Ronald Aruelles ang festival director nito, at ipinaliwanag niyang open ito lahat ng amateur and professional directors na first time sa VMX.
Pitong entries ang pipiliin nila at bibigyan nila ng 2M grant ang bawat isa.
Ang deadline ng submission ng script ay Nobyembre 20, 2024.
Siyempre, ang mga kukuning bida rito ay VMX stars.