Suko na sa pulitika an OPM icon na si Marco Sison.
Isang beses na siyang nanalo, pero dalawang beses naman siyang natalo.
Kaya ayaw na niya.
Naniniwala siya na may mensahe na ang Diyos kung bakit nangyari ‘yun.
“Ibig sabihin ng Diyos, huwag mo nang pasukin ‘yan hindi mo ‘yan kaya. Dito kayo mas marami kayong mapapasaya,” na ang tinutukoy ay ang pagiging singer niya na hanggang ngayon ay in demand naman talaga sila ng kapwa niya OPM icons.
Sa kasalukuyan ay naghahanda sila ni Rey Valera para sa Ang Guwapo at Ang Masuwerte na gaganapin sa Nobyembre 22, 2024, sa Music Museum.
Pero si Rey pala ay never nakumbinsi na mag-pulitika.
Katwiran niya ay nerd siya at hindi niya kayang makipaghalubilo sa maraming tao.
“Naalala n’yo ‘yung sinasabi kong nerd ako? ‘Yung privacy ng isang nerd talagang kanya ‘yung buhay niya eh. Ang problema ‘pag pulitiko ka, lulusubin ka ng mga katakut-takot na mga resibo ng hospital, kung anu-anong mga ano... kakatukin ka, hindi ka tatantanan. Magmumukha ka namang ano kapag hindi mo sila inabutan araw-araw. May mga consequences ‘yun,” katwiran ng isa sa mga haligi ng Original Pilipino Music (OPM).
Andami ngayong kakandidatong artista, singer, social media personality, etc., basta nasa entertainment industry, kaya naungkat ang topic na ito sa ginanap na intimate chikahan sa dalawang OPM icons noong Miyerkules ng hapon.
Ididirek ni Calvin Neria ang Ang Guwapo at Ang Masuwerte, at produced ng Echo Jham Entertainment Production.
At para kay Marco, “wala namang guwapo eh, wala namang pangit at tama talaga dun ‘yung swerte, ‘di ba kasi pinagtatrabahuhan ang swerte. O kahit gwapo ka kung tamad ka naman edi wala rin.”
Samantala, dahil dalawa lang sila sa nasabing concert, kaya’t may mga bagong paandar sila. “Meron kaming surprise number na P-pop number, ganyan. Pero surprise ‘yun, hindi namin sasabihin. Kasi kami, sure na masu-surprise din kami!” sabay tawa ni Rey.
Mala-SB19? “SB-senior!” hirit ni Marco.
Magiging guest naman nila ang mga promising young singer na sina Andrea Gutierrez at Elisha.
May sinulat ding kanta para sa nasabing concert si Rey – Feeling Guwapo – na aniya ay magsisilbing pasasalamat nila sa fans.
May swapping din na magaganap sa kanilang mga kakantahin at for the first time ay ilalahad nila ang mga back story ng iba nilang hit songs na hindi pa nila nababanggit.
Kahit iniintriga... Ivana, natakam sa bulalo pagkagaling sa Europe!
Kahit nali-link sa pulitiko si Ivana Alawi, wala siyang interes sa pulitika.
Samantalang kung kakandidato si Ivana, sure winner na dahil sa milyun-milyong followers niya across her social media platforms.
Pero wala naman daw siyang tutol sa mga gustong tumakbo pero pagdidiin niya hindi basehan ang rami ng followers kaya panawagan niya maging wais sa pagboto ang lahat.
Kagagaling lang ng Europe ni Ivana.
At sa nasabing TikTok video ay kumakain siya ng bulalo na na-miss niya raw habang nasa biyahe.
Mukha ngang hindi na siya nagda-diet.
Tama naman talaga si Ivana. May ilang vlogger na nag-file ng certificate of candidacy para sa 2025 mid-term elections.