Hindi na rin nagulat si Sen. Imee Marcos na maraming celebrity ang nag-file ng COC. Aniya lagi naman daw ganun.
At naniniwala siya na may advantage na ang mga artista dahil ang hirap daw talagang mangampanya sa buong Pilipinas.
“Ang hirap-hirap magkampanya sa buong kapuluan. So ‘yung pagkakakilala sa artista ay bentahe talaga. Malaking bagay talaga sa pangalan, sa pagkilala. Hindi ka na mangampanya, kilalang-kilala ka na. Ang hirap kasing umikot. So talagang may bentaheng malaki. Ang akin na lamang, demokrasya na ito. Kaya lahat ay tatakbo. ‘Yung gusto natin, eh syempre sundan natin. ‘Yung iba, takbuhan natin palayo,” nangingiting niyang sagot nang hingan namin ng opinyon tungkol dito.
Pero ang paalala niya sa mga kakandidatong artista “Gamitin ang plataporma ng pulitika para makatulong sa tao. Mag-aral nang maigi, makinig nang puspusan at isipin na hindi lamang pangsarili ang posisyon kundi serbisyo-publiko talaga,” dagdag niya kahapon sa ginanap na Pandesal Forum hosted by Wilson Lee Flores sa Kamuning Bakery.
Na siyempre ay patungkol sa mga dagdag na mga celebrity na nagdesisyong pasukin ang pulitika.
Samantala, hold muna ang Maid In Malacañang 3 na pagbibidahan sana nina Aga Muhlach, Cesar Montano and Ruffa Gutierrez na sa Hawaii sana magso-shooting. May pamagat sana itong Mabuhay, Aloha, Mabuhay.
Sobrang busy raw siya ngayon at inabot na rin ng election. “Tinamad na kami, eh. Nagkabisi-busy-han,” sagot niya tungkol dito.
Nauna nang pinalabas ang Maid in Malacañang noong 2022 at sinundan ng Martyr or Murderer noong 2023.
Ito na sana ang final version ng nasabing trilogy film ni Direk Darryl Yap.
Pero matutuloy naman daw, hindi lang ngayong taon o sa 2025.
Maging ang napapabalitang series na Maid in Malacañang ay pinag-uusapan pa rin nila. “Marami kasing may iba’t ibang idea, pero hindi pa namin alam, eh,” sey ng Senadora kahapon sa ginanap na Pandesal Forum.
Anyway, sa kasalukuyan ay abala si Sen. Imee sa kanyang proyektong Young Creatives Challenge para maipakita ang mga talento ng mga Pinoy.
Nasa Season 2 na ito at P1M ang grand prize na ibibigay sa mananalo sa bawat kategorya tulad ng songwriting, screenwriting, playwriting, graphic novels, animation, game development, at online content creation.
Samantala, sumagot din siya sa isyu ng political dynasty. “Well, ang political dynasty, hindi ko masasabi na dynasty talaga in the sense na medyo magulo kasi dahil kung minsan, nangyari na kasi sa akin. Hindi ko naman first choice ang pulitika pero napilitan at ‘yun ang utos ng mga kababayan ko sa Ilocos Norte. Napilitan akong tumakbo kahit na hindi ko naman kagustuhan. Pero ganyan talaga eh.
“Minsan, sabi nila, hindi maganda kasi tuluy-tuloy. Pero sa kabila nu’n, minsan mapipilitan ka.
“Sa Estados Unidos, sunud-sunod ‘yung mga Kennedy, ‘yung mga Bush. Sunud-sunod ‘yung iba’t ibang pamilya. Ganundin sa ibang lugar. Kasi ang sabi naman nila, talaga naman sumapi sila sa halalan at libreng hinalal ng taong-bayan. Kasi ako mismo naging pulitiko kahit na hindi sa aking kagustuhan,” katwiran pa ni Sen. Imee.