Umabot na pala ng 31 finished films ang isinumite sa Executive Committee ng Metro Manila Film Festival (MMFF).
Noong Oct. 7 ang deadline nito, at ang dami raw humabol.
Curious kami kung may mga inihabol bang hindi pa talaga tapos.
Sabi naman ng taga-MMDA, tatanggapin pa rin nila kahit rough cut lang dahil kino-consider pa nilang kailangan pa ng sapat na panahon para mapulido ito. As long as nabuo ang kuwento at naintindihan nila, puwede na raw ‘yun.
Kaya gusto naming malaman kung inihabol bang sinabmit ang Uninvited ni Ms. Vilma Santos, dahil ang dinig namin may ilang shooting days pa raw sila.
Basta inaasahang malalaking artista ang involved sa mga pelikulang kalahok, bilang nasa 50th year ito ng MMFF.
Lovi, wala pa ring limitasyon
Bago ang MMFF ay marami pa tayong magagandang pelikulang ipalalabas sa mga sinehan, at isa na nga rito ang handog ng Regal Entertainment Inc. at C’est Lovi ni Lovi Poe, ang Guilty Pleasure na pinagbidahan din ni Lovi kasama sina JM de Guzman at Jameson Blake, at dinirek ni Connie Macatuno.
Sa Oct. 16 na ang showing nito sa mga sinehan, at ipinagmamalaki nilang ito ang pinakaseksing pelikulang maipalalabas sa sinehan. Binigyan nga raw ito ng MTRCB ng R-16 without cuts.
Hindi lang maidetalye ni direk Connie Macatuno kung gaano ka-sexy ang mga eksenang mapapanood. “Para hindi natin i-spoil din, you have to go to theaters para makita ninyo kung ano exactly ito ma-experience ninyo hindi lang ‘yung kuwento kumbaga,” bulalas ni direk Connie.
Pero iba raw talaga ang sensual scenes na ginawa rito ni Lovi, na aprubado naman ng asawa niyang si Monty Blencowe.
Ayon kay Lovi, kahit misis na siya wala naman siyang limitations sa mga gagawin niya sa isang pelikula, basta kailangan lang sa kuwento.
Hindi naman daw siya pinagbabawalan ng asawa niya. “‘Just because I’ve moved on to another stage sa life ko, I still continue whatever I’ve been doing. Walang limitation,” pakli ni Lovi.
Pero tinanong pa rin namin siya na kung sakaling dumating ang araw na gusto na ni Monty na mag-baby na sila. Isantabi ba lahat ito ni Lovi?
“Well, I’ll be happy if that happens. ‘Pag dumating sa buhay namin, I’ll be happy and accept it with all my heart,” napangiting sagot sa amin ng premyadong aktres.
Sa ngayon ay ini-enjoy raw niya ang lahat ng projects na ginagawa niya, at dagdag pa rito ang pagiging producer. “Of course it’s a bit of a headache. But then, ganun naman talaga e. If you want to grow ‘di ba? You have to go through all these stages. Yeah! And you know the outcome will always be great. So, I’m gonna keep creating more especially when I’m working with such amazing actors and director, writer, everyone. Yes, 100 percent I wanna keep doing it,” sabi pa ni Lovi Poe.
Julie Anne, wasak sa bashers
Pinag-uusapan ngayon sa ilang social media accounts ang performance ni Julie Anne San Jose sa altar ng isang simbahan sa Mamburao, Mindoro.
Ginanap ito sa Nuestra Señora del Pilar noong Linggo, Oct. 6, na pinamagatang Heavenly Harmony Concert, Harana Para Kay Maria. Benefit concert ito para sa simbahan at naimbitahan si Julie Anne na mag-perform kasama ang The Clash champion na si Jessica Villarubin.
Nag-trending ito nang ipinost ng ilang netizens ang video habang kinakanta ang Dancing Queen na suot ang sleeveless gown na may slit.
Pinuna nila ito na wala man lang daw paggalang ang Limitless Star sa lugar at hindi man lang daw inisip na simbahan ‘yun.
Kaagad naming ipinarating ito sa kampo ni Julie Anne para hingan sana siya ng sagot.
Bagama’t nilinaw nilang hindi naman ‘yun religious concert at sabi pa ng nakausap naming malapit kay Julie Anne, ipina-approve raw nila ‘yun sa organizer kung ano ang repertoire nito, pati ang isusuot niya sa naturang benefit concert. “Sa entertainment side lang po sina Julie Anne at Jessica. Kahit ‘yung Bishop at Parish priest ay wala namang nakitang masama sa ginawa nila,” pakli ng isang nakausap ko na malapit sa nabanggit na Sparkle artists.
Ayaw na lang daw patulan ni Julie Anne, dahil mahabang talakayin pa kapag religion na ang pag-uusapan.
Kamakalawa lang ay naglabas na ng statement ang Sparkle kaugnay sa isyung ito. Ganundin si Julie Anne.
Habang sinusulat namin ito ay nanghingi na rin ng paumanhin ang Kura Paroko ng Nuestra Señora del Pilar na si Fr. Carlito Meim Dimaano.
Humingi rin siya ng tawad kina Julie Anne at Jessica na nakatanggap ng matinding bashing.
Nangako siyang hindi na ito kailanman mauulit.