Kinumpirma ng Comelec... kakandidatong celebrities, halos 100
Ayon sa nakuha naming impormasyon sa Comelec, halos isandaan daw ang mga artista, celebrities at social media personalities ang nag-file ng kanilang Certificate of Candidacy para sa 2025 midterm elections.
Kung tama ang mga nakuha naming datos, sa mga taga-showbiz na tatakbong Senador ay ang incumbent Senators na sina Sens. Bong Revilla at Lito Lapid. Magbabalik naman ang dating Senate President Tito Sotto, at ang mga baguhan ay sina Willie Revillame at Jimmy Bondoc.
Si Willie Revillame ang isa sa pinag-usapan sa huling araw ng filing ng COC, dahil karamihan ay naniniwala sa sinabi niya nung nakaraang eleksyon na hindi niya papasukin ang pulitika. Tama na raw sa kanyang makatulong sa kanyang programa. Pero baka naengganyo siyang tumakbo dahil lumalabas ang pangalan niya sa mga nakaraang survey.
Nakausap si Willie ni Deo Macalma ng DZRH kahapon ng umaga, at sinabi niyang nagpaalam daw siya sa TV5, kay Chairman Manny V. Pangilinan na papasukin niya ang pulitika, at pinayagan naman daw siya.
Sa Feb. 11 pa naman daw magsisimula ang campaign, kaya tuluy-tuloy pa rin daw ang programa niya sa TV5. “Nagpaalam ako kay Chairman (ng COMELEC), kinausap ko siya kahapon, paano po ba ‘yung rules?
“Alam ko puwede ka pa hanggang Feb. 10. Puwede ka pang mag-show, puwede ka pang tumulong, puwede ka pa magbigay ng jacket. February 11, Willie, bawal na ‘yan,” sabi ni Willie.
Kaya magpapatuloy pa rin daw siya sa Wil To Win, at patuloy pa siya sa pagpapahatid ng tulong. Pero hindi rin natin matiyak kung may mababago pa dahil sinabi rin ni Willie na hindi rin daw tiyak, at baka may sasabihin pa raw siya bago mag-December.
“In fact, naiisip ko nga, hindi pa ako nangangampanya, gusto ko nang tumulong sa abot ng makakaya ko.
“Meron pa naman ako hanggang December, kung mararamdaman ko na hindi ako para rito, puwede pa naman akong magsalita na baka hindi ako para rito, itutuloy ko ‘yung programa. Pero manalo, matalo, itutuloy ko pa rin ‘yung programa,” dagdag niyang pahayag.
Marami pang sinabi si Willie sa interview sa kanya ni Deo Macalma. May patutsada pa siya sa ilang pulitikong matagal nang nanilbihan. “Tuwing kampanya, ang daming nangangako. Itanong ko sa ‘yo, bumalik ba ‘yang mga ‘yan sa mga pangako nila? Bumalik ba sila sa mga napangakuan nila during the campaign? Ako, gagawin ko ‘yan. Hindi ko na kailangan ng pera, hindi ako magnanakaw. Bakit? Natatakot ako sa Diyos e.
“Ano man meron ako ngayon, pinaghirapan ko sa isang mikropono lang. Wala akong hiningan ng tulong. Ang hiningan ko lang ng tulong ang Panginoong Diyos at sa mga taong tumulong sa akin para makapag-show ako.
“Ang bulong sa akin araw-araw sa programa ko, gamot, pambili ng gamot, na-hospital ‘yung asawa ko.
“Walang hiningi sa akin kundi pagtulong, hingi, iyak, hahalikan ka ng matanda, aakapin ka. Kaya nandito ako para sa kanila, hindi para makipagalingan sa Senado,” sabi niya pa.
Samantala, nung nakausap naman namin si Sen. Bong Revilla nung mag-file siya ng kanyang COC, ipinagmalaki naman niya ang mga naipasa niyang batas para sa mga mas nangangailangan.
Ipinagmamalaki niyang naka-perfect attendance siya sa Senado at umabot ng 1,979 na bills at resolutions ang naipasa niya, at 339 ang naisabatas.
“Sa ating halos dalawang dekadang paninilbihan bilang senador, marami na po tayong naipasang mga batas na talagang pinakikinabangan ng ating mga kababayan,” bahagi ng kanyang pahayag.
Kung papalarin daw siyang manalo sa darating na eleksyon bilang senador ulit, mas tututukan daw niya ang para sa mga manggagawa, pagkain, public infrastructure at mga benepisyo sa government employees.
Gusto raw sana niyang mas tutukan ang flood control.
“‘Yung sa public works, gusto kong tutukan ‘yung problema sa baha e. Bilang Chairman ng Committee on Public Works, ‘yun ‘yung talagang gusto kong tutukan. Kailangan maisayos natin. Hindi ‘yung every time na may dumadaan na bagyo, baha, ‘yung mga ganun. Long-term planning ito, pero kailangan matutukan natin,” sabi pa ni Sen. Bong Revilla.
- Latest