Abala ngayon si Gerald Anderson sa training ng mga manlalaro ng basketball para sa nalalapit na 2024 FIBA 3x3 Basketball World Tour na gaganapin sa China. Sa pamamagitan ng Got Game Philippines 3x3 ay masusuportahan ng aktor ang mga kinatawan ng Pilipinas upang maglaro sa naturang event. “Ang pinaka-champion ay makakakuha ng free, all-expense paid trip para lumaban sa China to represent our country. It’s a good platform para sa mga basketball players natin,” nakangiting pahayag ni Gerald.
Kahit abala sa naturang sports organization ay kabi-kabila ring proyekto ang ginagawa ngayon ni Gerald bilang isang aktor. Bukod sa pelikulang BuyBust ay ginagawa na rin ng binata ngayon ang seryeng Nobody. “Medyo busy na rin tayo sa trabaho. Start na kami for Nobody and ongoing pa ‘yung BuyBust namin ni Anne (Curtis). I’m excited para diyan. It’s going to be an amazing show. Maraming nagbabago and nadadagdag sa development and creative programs. So, I’m excited for that. Medyo hectic but you know, at the end of the day, I’m just very thankful and binibigay ko lahat nang kayang pigain habang nandito tayo,” pagbabahagi ng aktor.
Kamakailan ay nakauwi si Gerald sa General Santos City na kanyang hometown. Matatandaang binigyang-parangal ang aktor ng kanilang Alkade dahil sa kabayanihang ginawa noong kasagsagan ng bagyong Carina. “Sobrang nag-enjoy kaming lahat. I’m so excited to go home. Nakapaglaro kami ng basketball. The Mayor, Mayor (Lorelie) Pacquiao, also acknowledged our efforts noong Typhoon Carina. It feels 100% better kapag galing pa sa hometown ko (ang recognition). I’m very thankful. I work in the place of gratitude and lahat nang nangyayri sa buhay ko I’m very thankful,” pagtatapos ng binata.
Khimo, mala-sundalo sa major concert
Gaganapin sa Oct. 25 sa Music Museum ang KH1MO Emerge. Energize. Elevate. concert ni Khimo Gumatay. Bahagi ito ng selebrasyon ng kaarawan at ikalawang anibersaryo sa music industry ng Idol Philippines Season 2 grand champion. Puspusang paghahanda na ang ginagawa ngayon ni Khimo para sa kauna-unahan niyang major concert. “Para akong sundalo ngayon na gumigising nang maaga to prepare, nag-aaral ng kanta. Same Khimo pero times two na,” bungad ni Khimo.
Noong nagsisimula pa lamang sa pagkanta ay malaki na ang naging impluwensya sa binata ng ilan sa mga pinakakilalang OPM singers katulad nina Basil Valdez, Martin Nievera, Ogie Alcasid, Janno Gibbs at Gary Valenciano. “Talagang ‘yon po ‘yung nakalakihan kong tunog sa bahay and somehow naging influences ko din po sila. And up until now dala ko pa rin po ‘yon. Siguro ‘yon ‘yung DNA na kinuha na nakikita n’yo ngayon (sa akin),” paglalahad ng singer.
Kung mabibigyan ng pagkakataon ay nangangarap din si Khimo na sumabak sa pag-arte. Naging aktibo raw noon sa teatro ang singer habang nag-aaral ng kolehiyo. “Bago po ako nag-perform sa show business, teatro po talaga ako no’ng college. And siguro kung gagawin ko ‘yung pag-arte, siguro sa mga susunod na taon, or next year. Konting adjustment lang po siguro, ‘di po ako mara-rattle if bibigyan ako ng offer. Kukunin at kukunin ko,” pagtatapat ng binata. — Reports from JCC