Julia, bumanat sa naninira sa kanya

Julia Montes

Curious ang netizens na nakabasa sa post ni Julia Montes sa Instagram na “Tinulu­ngan mo noon! Sinisiraan ka na ngayon! Saklap diba!” May kasunod pa siyang post na “Oo ikaw alam mo kung sino ka wag post ng post. Mga tao talaga.”

Ang tanong ng marami, sino raw kaya itong pinatamaan niya na kulang na lang, banggitin ang pangalan. Kani-kanyang search ang netizens kung sino ba ang latest na naka-isyu ni Julia at malamang, isa sa kanila ang kinol out ng aktres.

Ang pakiusap nga ng netizens, mag-react na ang pinariringgan niya para hindi na sila mamo­roblema sa kaiisip kung sino ang kanyang pinatatutungkulan. Kaya lang, as of today, wala pang may alam kung sino nga ba ang pinatatamaan ng aktres.

Pero, may mga nagpayo sa kanya na itigil ang pagpaparinig dahil bukod sa hindi bagay sa kanya ay nakaka-cheap na sa social media.

Marami rin ang kumampi sa kanya, ngayon lang daw ito naglabas ng ganitong saloobin, kaya pagbigyan na. Baka napuno na raw ito at paulit-ulit siyang ginagawan ng hindi maganda.

Ang hindi lang maganda, may mga nagsabing promo niya ito dahil malapit na ang airing ng series niyang Saving Grace. Kailangan na raw nitong magparamdam, bagay na hindi naman niya kaila­ngan.

Mark, nag-iba ang plano kay Vilma

Napanood namin ang video ni Batangas Vice Governor Mark Leviste na naiwan siya sa ere ng mga kaalyado sa pulitika dahil nga kakandidatong governor ng Batangas si Vilma Santos. Ang usap-usapan noon, tatakbong governor ng Batangas si Mark, hindi rin siya puwedeng muling tumakbong vice governor dahil tatakbo si Luis Manzano sa posisyong ito.

Hindi rin siya puwedeng tumakbong congressman sa 6th district ng Batangas dahil tatakbo sa posisyong ito si Ryan Christian, ang anak nina Vilma at Secretary of Finance Ralph Recto.

May paliwanang si VG Mark kung bakit nabago ang political plans niya, bagay na hindi maintindihan ng iba niyang supporters.

“I have decided to step aside as a gubernatorial aspirant to honor my relationship, loyalty and support for Governor Vilma Santos Recto. Our goal has always been, and will continue to be, the progress development of Batangas. In this light, I am happy to announce that I will be running for CONGRESSMAN of the 3RD DISTRICT OF BATANGAS. TAGUMPAY ng Kapitolyo, itutuloy sa Kongreso.”

Pinasalamatan siya ng supporters ni Vilma sa ginawa niyang ito. Nangako silang susuportahan ang kandidatura ni Mark bilang Congressman sa 3rd district ng Batangas.

Louise, may pinagsisisihan

Wala na sa GMA Network sina Bea Binene at Louise delos Reyes, pero welcome pa rin sila to promote their psychological horror movie na Pasahero. Nag-guest ang dalawa sa Fast Talk with Boy Abunda at isa sa tanong ni Boy Abunda ay kung ‘di ba sila nagsisi sa pag-alis nila sa GMA at lumipat sa Viva Artists Agency?

Sabi ni Bea,  wala siyang regret at nagpapa­salamat siya sa GMA na siyang naging daan upang makilala siya.

Si Louise, may regret sa pag-alis sa GMA, pero kung ‘di raw siya umalis sa Kapuso Network, hindi niya makikilala ang mga taong kasama niya ngayon.

Samantala, naurong sa Oct. 30, 2024 ang sho­wing ng Pasahero na dapat Oct. 9 dahil kasali na ito sa gaganaping Sine Sindak Ika-5 Yugto na exclusive na ipalalabas sa SM Cinemas.

Show comments