Isang malaking karangalan para kay Kim Chiu na makadalo sa Seoul International Drama Awards 2024 kamakailan. Nasungkit ng dalaga ang Outstanding Asian Star from the Philippines award sa naturang event. “It feels so different to attend this kind of event with all artists all over Asia. Mapa-creatives, performers and producers. Grabe, sobrang nakaka-starstruck kasi napanood ko silang lahat mostly. Sobrang malaking karangalan talaga para sa akin na makasama sila dito. Ang mga mahuhusay na artista from South Korea, Malaysia, Singapore Thailand, at iba pa,” nakangiting pahayag ni Kim sa kanyang YouTube channel.
Ayon sa aktres ay muntikan pa siyang hindi makarating sa event. Naantala umano ang paglipad ng eroplanong sinakyan noon ni Kim at ng kanyang mga kasamahan. “Na-delay, muntik pang ‘di umalis kasi ang lakas ng ulan. Ang lakas ng ulan kaya hindi ako makapag-post ng ‘See you Korea’ kasi hindi ako sure,” kwento ng dalaga.
Hinding-hindi makalilimutan ni Kim ang kanyang naging karanasan sa Korea. Sa loob ng halos dalawang dekadang pananatili sa show business ay ngayon lamang nakatanggap ang aktres ng isang international award para sa kanyang mahusay na pagganap sa seryeng Linlang. “It’s truly a dream come true. What an honor to represent ABS-CBN and the Philippines in the international entertainment scene. Grabe, iba talaga ‘yung feeling. Hinding-hindi ko talaga makakalimutan. Sobrang kinakabahan ako noong una pero noong makita ko ‘yung mga tao, everyone was listening and looking at me. It’s really an unforgettable and surreal experience.”
Gerald, hindi handa sa pulitika
Sa mga nakalipas na araw ay maraming artista na ang nakapagsumite ng kanya-kanyang COC o certificate of candidacy para sa halalan sa susunod na taon. Napababalitang isa rin si Gerald Anderson na posibleng tumakbo para sa 2025 elections. “I’m just happy to be in a position where I can also help. Nagagamit ko naman ‘yung platform ko eh. May mga kaibigan ako in politics. I know it’s very hard, napakahirap no’n and I wouldn’t jump into something na hindi ako handa or hindi ko pinag-aralan. Because people’s lives are at stake,” paglilinaw ni Gerald sa ABS-CBN News.
Matatandaang tumulong ang aktor sa mga kababayan nating nasalanta ng bagyong Carina noong Hulyo. Kusang-loob na tumutulong si Gerald sa kapwa tuwing mayroong kalamidad sa bansa mula noon pa man. Kamakailan ay ginawaran ang binata ng Auxillary Search at Rescue Medal and Ribbon mula sa Philippine Coast Guard. Bukod sa pagiging aktor ay abala rin si Gerald sa kabi-kabilang proyekto. Nakatutok ngayon ang binata sa kanyang basketball league na Got Game 3x3. “I’m happy, ‘yung mga teams na sumali, quality. It’s another platform para sa mga basketball players natin,” pagbabahagi ng binata. (Reports from JCC)