Maglalaban-laban ang grupong BINI, Lola Amour, at SB19 kasama sina Juan Karlos at Maki sa Artist of the Year award na igagawad sa pagbabalik ng MYX Music Awards na umarangkada na sa pag-anunsyo ng mga napabilang sa nominado sa pamamagitan ng MYX YouTube channel.
Pagkatapos nga ng tatlong taon ay muling kikilalanin ng MYX ang mga natatanging Pinoy artist, mga kantang tumatak, at music videos na talaga namang patok sa mga manonood sa minahal na music awards.
Kabilang sa posibleng magwagi bilang Song of the Year ang “Dilaw” ni Maki,” “ERE” ni Juan Karlos, “Pantropiko” ng BINI, “Raining in Manila” ng Lola Amour, at “Sining” ni “Dionela kung saan tampok si Jay R.
Samantala, nominado para sa top award na Music Video of the Year ang “B.A.D.” ni Denise Julia kung saan tampok si P-Lo, “Cherry on Top” ng BINI, “Dilaw” ni Maki, “Moonlight” ng SB19, Ian Asher at Terry Zhong, at “Surreal” ni Justin.
Kinilala na rin ang mga maglalaban-laban para sa mga kategoryang Mellow Video, Pop Video, Hip-hop Video, R&B Video, at Rock Video of the Year. Maaari ring bumoto ang fans para sa kategoryang Collaboration, Breakout Solo Artist, Breakout Group, at Global Video of the Year.
Magsisimula ang botohan para sa MYX Music Awards 2024 sa Oktubre 5, 12:01am hanggang Nobyembre 10, 11:59pm. Mag-register lamang sa myx.global at i-click ang MYX Music Awards. Manggagaling sa fan votes ang 60% ng final tally habang magmumula naman ang 40% sa resulta ng artists poll.
Papangalanan ang mga magwawagi sa bigating MYX Music Awards awarding event na gaganapin sa susunod na buwan.
Napapanood ang MYX sa SKYcable channel 23, Cignal channel 150, at iba’t ibang cable operators nationwide. Available din ito sa iba’t ibang digital platforms tulad ng YouTube at Amazon Prime.