Mother Lily, pinarangalan sa pagtatapos ng film month
Tinapos ng Film Development Council of the Philippines (FDCP) ang 4th Philippine Film Industry Month (PFIM) sa pamamagitan ng bonggang Filmmakers’ Night noong Sept. 27, 2024 sa Seda Vertis North, Quezon City bilang wakas sa month-long tribute sa National Artists for Film.
Ang Filmmakers’ Night ay nagsilbing finale sa selebrasyong ito na nagtipun-tipon sa mga kilalang personalidad mula sa film industry para sa isang gabing pagkilala at pagtatalaga sa pangako nilang itaguyod ang Philippine cinema.
Ipinagdiinan ni FDCP Chairperson Jose Javier Reyes na ang misyon ng ahensya ay itaguyod ang paglago ng industriya at ipinahayag ang ilan sa mga bagong programa gaya ng CreatePHFilms Fund for Short Films na isang selective, non-recoupable film incentive na magbibigay ng hanggang P500,000 per project bilang suporta sa Filipino filmmakers sa production o post-production ng kanilang short films.
Ang MMFF Student Short Film Competition naman ay bahagi ng 50th anniversary ng Metro Manila Film Festival (MMFF), na magbibigay ng platform sa young filmmakers mula isa iba’t ibang unibersidad sa bansa para maipakita ang kanilang creativity at unique stories.
Ang Films for Peace Funding Program ay nakahanay sa adbokasiya ng FDCP para magkaisa sa kabila ng pagkakaiba-iba, na magbibigay ng pondo sa short film projects na magtataguyod ng pagkakaisa.
Ang National Artists Program naman ay may handog na hanggang P2,000,000 para sa film projects inspired by National Artists.
Ang Meisner Crash Course for Young Talents naman ay dahil sa tagumpay ng nakaraang Meisner acting workshop noong Hunyo, magho-host ang FDCP ng isang crash course sa Nobyembre para sa kabataan at young adults, na magtatampok sa 8 talented actors mula sa bawat network: ABS-CBN, GMA, at Net 25.
Samantala, pinarangalan din ng FDCP ng gabing iyon si Mother Lily Monteverde para sa kanyang habambuhay na dedikasyon sa Philippine cinema bilang producer at leader ng Regal Entertainment, na nirepresenta ng kanyang apo na si Keith Monteverde.
Pinangunahan naman nina Justin Quirino at Gretchen Ho ang pagdiriwang, na sinamahan ng vibrant performances nina Janno Gibbs, Nina, Justin Pinon, 92AD, Jastine Rose Pagsanghan, at SPEED Dancers.
- Latest