Pitong taon na ang nakalilipas nang unang nagkakilala si Bela Padilla at kasintahang si Norman Bay. Nag-shooting noon sa Switzerland ang aktres at nang matapos ang trabaho ay sa isang bar unang nagkita ang dalawa. “Nag-shooting kami ng Meet Me in St. Gallen so na-meet ko siya sa St. Gallen. No’ng time na ‘yon nag-bachelor’s degree siya. Last day ko ng shooting, nasa labas sila ng kaibigan niya. Sakto kami may cast party. Nasa bar kami kasi last day namin eh. Nando’n sila ng kaibigan niya kasi last day ng exam so uminom to celebrate. Tapos sila lang ‘yung tao, wala tao kasi magpapasko na eh. Parang may nag-invite siguro sa kanila sa table namin, baka staff na ‘Tara! Dito na tayo.’ Parang gano’n,” kwento ni Bela sa YouTube channel ni Ryan Bang.
Naging malapit na magkaibigan sina Bela at Norman mula noong unang nagkita. Pagkalipas ng tatlong taon ay nagsimula na umanong lumabas-labas ang dalawa. “No’n una friends lang kami, 2017 ‘to. Nag-date kami 2020 na, barkada muna kami. Lagi kaming magkausap kasi umuwi na ako ng Pilipinas. Text lang na, ‘Uy! Kamusta ka na?’ chika-chika. Hindi kami nag-date kasi iniisip ko artista ako sa Pilipinas. Hindi naman ako titira sa Switzerland, nagtatrabaho ako.
“Siya rin pa-start pa ‘yung life niya, kaka-graduate niya pa lang. So hindi naman siya lilipat din ng Pilipinas. Nag-message lang siya na parang, ‘Di natin tinry mag-date. Parang long distance relationship.’ Tapos naisip ko, ‘Oo nga ‘no,’” pagdedetalye ng aktres.
Ngayon ay apat na taon nang magkasintahan sina Bela at Norman. Magkasundung-magkasundo raw ang dalawa sa lahat ng bagay. “Super okay naman kami. Kasi wala kaming pinag-aawayan. Minsan iniisip ko parang too steady, very, very steady. ‘Pag tumanda ka siguro gusto mo gano’n na, ‘yung steady lang,” makahulugang pagbabahagi ng dalaga.
Diego, may hugot sa huling sayaw
Ngayong Martes ay nakatakdang ilunsad ni Diego Gutierrez ang kanyang kantang Huling Sayaw. Ayon sa singer-songwriter ay ang natapos na relasyon nila ng dating kasintahan ang pinaghugutan niya ng mensahe ng kanta.
Tumagal ng pitong taon ang relasyon ng binata at ng dating kasintahan.
Kahit matagal nang nakapagsusulat ng mga kanta ay ngayon lamang humugot si Diego ng inspirasyon mula sa pagkabigo sa pag-ibig. “It was sparked by a feeling of wanting one last dance before going our separate ways. It took me a while to write music again. Ang dami emotions I did not know how to process. Three to four months hindi ako nakasulat,” paglalahad niya.
Para kay Diego ay malaki ang naitutulong sa kanya ng pagsusulat ng mga kanta.
Dito naibubuhos ng binata ang mga emosyon mula sa mga naging karanasan. “I am not the type to share too much about my problems. I do but filtered. Writing was an outlet to express my feelings and emotions. I am just trying to see now the silver lining, God’s plan. Everything happens for a reason. I feel it was best for the best of us to grow. I am in a better place. It is a process,” paliwanag ng anak nina Lotlot de Leon at Ramon Christopher.
(Reports from JCC)