Na-miss nina Richard Gutierrez at Barbie Imperial ang Filipino food, kaya kumain sila sa Manila Restaurant sa isang parte ng Italy. Parang lumpia ang nakita naming nakalatag sa mesa nila.
Nagpasalamat ang owner ng resto sa kanila sa pagbisita (at pagkain) sa resto. Walang binanggit na kanilang kasama, silang dalawa lang yata ang kumain. Matatanong si Richard tungkol dito dahil nakabalik na raw ito ng bansa at siyempre, kasama si Barbie.
Nagalit ang netizens sa owner ng resto at sa staff nito na pinost ang larawan nila, private raw na lakad ‘yun at pumayag na ngang magpakuha ng photos, tapos ipo-post pa?
Sagot naman ng ibang netizens, ano ang gagawin sa photos kung hindi ipo-post? Alangan daw na itago na lang na tama rin naman.
Pasalamat din ang ibang netizens sa mga larawan dahil pagkumpirma raw ito na sina Richard at Barbie na. Relationship reveal daw ang nangyari sa paglabas ng photos nila.
Sana, ang sumunod nito ay status reveal na ng dalawa. Wala naman daw masama kung may relasyon na sila, marami ang pabor lalo na at single si Barbie at si Richard ay hiwalay na kay Sarah Lahbati.
Regine, pinaglaruan sa blush on!
Hindi naman siguro mao-offend si Regine Velasquez na pinagtripan (in a good way) ng kanyang fans ang kanyang blush on sa photo nila ng asawang si Ogie Alcasid. Pulang-pula kasi ang cheek ni Songbird at biro ng isa nitong fan, sayang daw walang blush on si Ms. Regine, mas maganda kung meron.
May nag-comment naman na baka malamig sa lugar na pinuntahan nila ni Ogie, kaya need niya ng makapal na blush on. Actually, pati si Ogie, mapula ang pisngi.
Anyway, may concert sa Singapore si Regine sa Oct. 26, 2024 na ikinatuwa ng kanyang Pinoy fans na based doon at hindi makauwi para mapanood ang concert niya.
Apat na action stars, magsasalpukan sa 2025
Mas magiging exciting ang midterm elections sa 2025 dahil lalabas na magkakampi sina Senators Bong Revilla at Lito Lapid, at magkakampi naman sa kabilang bakod sina Senator Robin Padilla at Phillip Salvador. Parang Bong + Lito vs. Robin + Phillip daw ang datingan.
Kaya sinabing magkakampi sina Bong at Lito dahil pareho silang muling tatakbong senador sa ilalim ng Alyansa Para Sa Bagong Pilipinas coalition at pareho rin silang re-electionist.
On the other hand, masasabing magkakampi sina Robin at Phillip dahil tuluyan nang papasukin ni Phillip ang pulitika. Kabilang siya sa senatoriables ng Partido Demokratiko Pilipinas (PDP) na pinamumunuan ni former president Rodrigo Duterte. Kasama ni Ipe sina Senators Bong Go at Ronald “Bato” dela Rosa.
Si Robin naman ang napili ni Duterte na maging campaign manager ng PDP at siguro, mas magpu-focus siyang ikampanya si Phillip dahil ngayon pa lang tatakbo.
Masaya ang kampanya nito at aabangan ng mga botante kung paano sila mangangampanya. Mas masaya pa nga kung sabay-sabay silang maggi-guest sa telebisyon dahil siguradong may biruan at kantyawan.
Samantala, nagpapasalamat si Lito sa pag-eendorso sa kanya ni President Bongbong Marcos bilang opisyal na kandidato. Sa mga survey, laging mataas ang kanyang ranking at inamin naman nito na malaki ang tulong sa kanya ng Batang Quiapo.