Aljon, recording artist na!

Ganap nang recording artist ang Kapamilya star na si Aljon Mendoza na maglulunsad ng kanyang debut single na Panghabang-Baby ngayong Biyernes (Set. 27).

Inawit niya sa unang pagkakataon nang live ang kanta sa ginanap na StarPop Campus Tour sa Northern Iloilio State University noong Setyembre 18 kung saan naramdaman niya ang excitement sa kanyang bagong karera.

“I just feel so happy. Excited ako kasi I get to experience recording and performing songs for people especially sa mga nagsu-support sa’kin. ‘Pag campus tour, nae-enjoy ko siyang gawin dahil nakikita ko sa mga tao at estudyante na kahit papaano, nakakapagpasaya ako sa kanila,” saad niya.

Unang inawit ni Vance Larena ang OPM track na tungkol sa pagiging hopeless romantic at ang matapang na pagpapahayag ng damdamin sa taong minamahal. Isinulat ito nina Nino Carlo J. Reyes at Philip Thomas Vinoya at iprinodyus ni StarPop label head Roque “Rox” Santos.

Para kay Aljon, simple at nagtataglay ng ‘pure intention’ ang first single niya.

Aniya, “No’ng napakinggan ko siya, nagustuhan ko agad dahil ang simple lang at napaka-pure ng intention ng lyrics ng song. ‘Yung beat, nakaka-LSS siya for me, so inulit-ulit ko siyang ipatugtog not only because for the sake na maaral ko siya, but because I really like the song.”

Mula sa pagiging housemate sa Pinoy Big Brother: Otso, pinatunayan ni Aljon ang pagiging mahusay na aktor sa kanyang pagbida sa iba’t ibang serye tulad ng Hoy Love You, The Viral Scandal, The Four Bad Boys and Me, at Teen Clash. Ipinakita niya rin ang energetic at makulit na personalidad sa reality shows na Rise and Go at Boys After Dark at naging bahagi rin ng blockbuster film na Un/Happy For You kasama sina Joshua Garcia at Julia Barretto.

Mapapakinggan ang debut single ni Aljon na Panghabang-Baby sa iba’t ibang digital streaming platforms simula ngayong Biyernes (Set. 27).

Show comments