Gabi-gabing napapanood ang Lavender Fields na pinagbibidahan ni Jodi Sta. Maria. Kabilang din sa naturang serye si Maricel Soriano na gumaganap bilang si Aster Fields. Masayang-masaya ang Diamond Star dahil ibang-iba ang natutunghayan sa kanya ngayon ng mga manonood. “Iba naman, kaya gusto ko ito eh kasi iba. Happyng happy ako kasi kasama ko si Jodi at talagang napakagaling niya dito,” nakangiting pahayag ni Maricel.
Nakilala bilang ‘Taray Queen’ ang beteranang aktres. Likas na kay Maricel ang pagiging totoo sa kanyang sarili. Ayaw umano ng dating child star na mayroong ilang tao na hindi nagpapakatotoo kapag nakikipag-usap sa kanya. “Nakakasama ng loob ‘pag alam mong patuloy ka niyang kinakausap na kaplastikan naman lahat, ‘di ba? Parang gusto mo siyang tadyakan. Gusto ko pero walang gano’n na nangyari. Relax lang ako, kasi ang hirap,” natatawang paglalahad ng Diamond Star.
Para kay Maricel ay normal lamang na makaramdam ng pagkailang kapag hindi tunay ang ipinakikita at ipinararamdam ng kanyang kausap. “Kahit siguro kayo ang nasa sitwasyon na ito, pinupuri kayo nang pinupuri pero hindi naman pala siya totoo. Pagdating sa ibang tao kung anu-ano sinasabi against you and all of that. Hindi kasi dapat gano’n. Dapat kapag nakikipag-kapwa tao ka, nakakapagkapwa tao ka sa tao. Pero kung pinaplastik ka, eh sana umalis na lang sa harap mo,” giit ng beteranang aktres.
KZ, naparalisa sa toyo
Nailunsad na ang pinakabagong single ni KZ Tandingan na Toyo. Ayon sa singer-songwriter ay talagang kakaiba ito sa kanyang mga kantang napasikat sa mahigit isang dekadang nakalipas. “Since last year I’ve been trying to work on my album. Tapos I have this specific vision for the album, specific sound, and the direction of the album. I have it in mind pero I’ve been struggling with actually coming up with the music and finding the right songs for the album. Creatively I was paralized. ‘Ano kayang pwede kong gawin?’ Tapos siyempre with the help of my husband. Sabi niya naman, why don’t I try to write something completely left field,” pagbabahagi ni KZ sa ABS-CBN News.
Sa tulong ng asawang si TJ Monterde ay nakapagsulat ng bagong kanta ang singer-songwriter. Noong una ay wala pang intensyon si KZ na ibahagi sa publiko ang Toyo. “Unexpectedly nasulat ko ‘yung ‘Toyo’ and I was actually laughing noong pinaparinig ko kay TJ. Kasi nga first time ko makasulat ng kanta na ang liwanag, bright. But I never intended for this song to be released. It’s something new. If you listen to the songs from my previous albums, this is really something na hindi mo ini-expect na part ng album ko and it’s an experimental track na I’m so pleased na gumana,” dagdag pa niya.
Umaasa ang Asia’s Soul Supreme na tatangkilikin ng kanyang mga tagahanga ang bagong tema ngayon ng kanta. Nakatakdang maipalabas ang music video ng Toyo sa mga susunod na linggo. “Sana i-support nila ‘yung kantang ‘to because more than the message I think paulit-ulit ako ro’n sa reason why this song was born. It represents me pushing myself out of my comfort zone. Sana when they hear this song, ma-remind din sila na parang if KZ felt this way and decided to go the other way to keep herself moving forward then I must move forward. Kahit gano’n ‘yung message ng kanta, the fact that it celebrates moving forward despite all odds. Sana ‘yon ‘yung mabitbit nila,” pagtatapos ng singer-songwriter. — Reports from JCC