Ikinatuwa ng mga tagahanga ang Dear Heart reunion concert nina Sharon Cuneta at Gabby Concepcion noong isang taon. Muling magpapakilig ang dating mag-asawa sa mga sumusuporta ng kanilang tambalan dahil magkakaroon ng USA at Canada tour ang naturang concert sa October hanggang November.
Aminado si Gabby na hindi niya inakalang mangyayari ang kanilang reunion project na ito ng Megastar. “Sa buhay, sa tingin ko may mga aksidente na nangyayari at nagflo-flourish. ‘Di natin alam ‘yung resulta. Sinurprise kami (ni Chaye Cabal-Revilla), siya naging kupido ng dati naming love team. First time mag-usap kami (ni Sharon) behind the scene, sa dressing room. May kasama kami and before you know it, meron nang closure,” nakangiting kwento ni Gabby.
Ayon sa aktor ay mayroon na rin silang nakatakdang gawing proyekto ni Sharon sa December. “Second show namin sa US and Canada. Alis kami end of October, balik kami December. Meron ulit kaming gagawin,” dagdag niya.
Mula nang magkahiwalay mag-aapat na dekada na ang nakalilipas ay ngayon lamang ulit umano nakapag-uusap nang masinsinan ang dating mag-asawa. Para kay Gabby ay nanumbalik talaga ang kanilang pagiging magkaibigan ni Sharon.
Charlie at anak ni Carlo, close na
Mahigit apat na taong gulang na ngayon ang anak nina Carlo Aquino at Trina Candaza na si Mithi. Matatandaan namang nagpakasal sina Carlo at Charlie Dizon nito lamang June. Ayon sa aktor ay talagang malapit ang kanyang anak sa aktres. “Mithi and Charlie, sobrang okay. Mahal na mahal siya ni Mithi and mahal na mahal siya ni April (tunay na pangalan ni Charlie). Minsan hinahanap ni Mithi kapag wala si April,” bungad ni Carlo sa ABS-CBN News.
Sa ngayon ay wala pang balak ang mag-asawa na bumuo ng sariling pamilya. Abala sina Carlo at Charlie sa paggawa ng kanya-kanyang mga proyekto. “Kung ma-bless kami ng offspring, sobrang tatanggapin namin ‘yon. Pero ngayon, nagsasabay kami ng trabaho,” giit ng aktor.
Samantala, simula Oct. 16 ay mapapanood na sa mga sinehan ang pelikulang Crosspoint na pinagbibidahan ni Carlo at ng Shogun lead actor na si Takehiro Hira. Para sa aktor ay kakakaiba ang matutunghayan sa kanya ngayon ng mga manonood dahil sa naturang pelikula. “I play the role of Manuel Hidalgo, a washed-up actor na magkakaroon sila ng baby soon ng wife niya and dahil medyo matumal na ang kanyang mga proyekto, kinakailangan niyang pumunta ng Japan para mag-side hustle doon. He stumbled upon isang news na may isang serial killer. Tapos nakilala niya, Takehiro. Pareho silang financially unstable, eh may pabuya, so hinuli nila ‘yon. Hindi pa kasi ako nag-a-action nang ganito eh. Usually kasi family drama ako, romcom. Kaya no’ng sinabi na medyo suspense ‘to na action, family drama, pwede. Nandodoon pa rin ‘yung genre ko eh. Medyo iniba lang natin,” pagdedetalye ng dating child star. (Reports from JCC)