JK: ‘It’s not me becoming a big artist!’
Sa November 29 na gaganapin sa SM Mall of Asia Arena ang Juan Karlos Live concert ni JK Labajo. Puspusang paghahanda na ang ginagawa ngayon ng singer para sa kanyang kauna-unahang major concert.
Hindi halos makapaniwala si Juan Karlos na makapagtatanghal na siya sa isang napakalaking venue. “Honestly, it’s really fascinating to think kasi we were just in MOA the other day. Inside an empty MOA, tapos ‘pag nagsasalita ka nagba-bounce off sa buong arena ‘yung sinasabi mo,” nakangiting bungad ni Juan Karlos sa ABS-CBN News.
Magsisilbing selebrasyon ang naturang concert para sa ika-sapung anibersaryo ng singer sa music industry. Matatandaang unang nakilala si Juan Karlos sa The Voice Kids noong 2014. “All of a sudden I get reminded, it was really interesting tapos ‘yung audition song na ‘Grow Old With You’ kinanta ko, coach Bamboo (Mañalac), coach Sarah (Geronimo), and coach Lea (Salonga). It was really weird, it was really interesting, and in some sort or way, it doesn’t feel like a finish line in a race. It’s more of a checkpoint,” paglalahad ng binata.
Magiging espesyal na panauhin ni JK sa concert sina Moira dela Torre, Zild, Janine Berdin at Paolo Benjamin. Ayon sa singer ay talagang dapat pakaabangan ng mga tagahanga ang kanyang major solo concert na ito. “Aside from obvious changes that’s gonna be done with the songs, bagong flavor. Kumbaga, it could be the same dish but changing it in a different way. It’s not me becoming a big artist but the song becoming a thing for people. Makita ko lang kinakanta ‘yon sa mga karaoke sa amin, parang ayos na ‘yan ah,” makahulugang pahayag ng singer.
LA at Kira, ayaw makipagkumpetensiya
Napapanood na ngayon sa mga sinehan ang pelikulang Maple Leaf Dreams na pinagbibidahan ni LA Santos at Kira Balinger. Matutunghayan sa naturang proyekto kung paano ang pamumuhay ng ating mga kababayang OFW o overseas Filipino workers sa Canada.
Ayon kay LA ay sumagi sa kanyang isipan na magtrabaho sa ibang bansa pagkatapos ng kanilang shooting sa Canada. “Medyo mahirap talaga ‘yung ginawa naming shooting sa Canada dahil limited ‘yung oras at saka ‘yung paglipat at ‘yung schedule naging challenging. ‘Yung 14 days shooting namin mahirap kasi iba-ibang location lahat. Kaya makikita dito sa movie ‘yung side ng Canada na maganda. Pagkatapos naming mag-shooting ng pelikula, nasabi ko, ‘Sige, mag-OFW na lang ako.’ Pero sobrang grabe ‘yung challenges na naharap namin bilang artista. Hindi rin biro ‘yung trabaho namin. Siyempre gusto rin naming magawa ‘yung best namin para sa mga tao at saka gusto rin naming maging totoo para sa tao. Talagang mahirap kaya masasabi ko na itong movie na ito, part na rin ito ng journey ko,” pagbabahagi ni LA.
Sa Canada rin nag-shooting sina Kathryn Bernardo at Alden Richards para sa pelikulang Hello, Love, Again na maipalalabas na rin sa mga sinehan simula November 13.
Posibleng maikumpara ng mga manonood ang dalawang pelikula na nagpapakita ng buhay ng mga kababayan nating nakikipagsapalaran sa Canada. “Me and Kira, personally sobrang happy na kami to be in one of those films na na-shoot sa Canda. Kasi talagang mahirap namang matupad ‘yung pag-shoot ng movie sa Canada. Kaya sobrang proud kami ni Kira na kasama kami do’n. At saka hindi ko masasabi na may competition kasi pareho naman naming niri-represent ‘yung mga Filipino do’n,” giit ng aktor. — Reports from JCC
- Latest