Balik muli sa aktingan ang Kapamilya actress na si Sharlene San Pedro, kung saan bibida siya muli sa educational show ng Knowledge Channel Foundation (KCFI) na EstudyanTIPID.
Katuwang ang BPI Foundation, layunin ng programa na magbigay-kaalaman sa mga kabataan patungkol sa importansya ng financial literacy, pagnenegosyo, at basic economics mula sa mga araw-araw na karanasan ni Marla (Sharlene). Kasama rin ni Sharlene ang batikang host at writer na si Stanley Chi.
Ang mga educational topic nito ay nakahanay at alinsunod sa DepEd curriculum ng Araling Panlipunan para sa Grade 9 students. “Kung estudyante ka na naghahanap ng tipid tips at gustong matuto sa pera, para sayo ‘to! Abangan niyo ang Estudyantipid dito sa Knowledge Channel,” saad ni Sharlene.
Ikinagalak naman ng KCFI president na si Rina Lopez ang kanilang partnership katuwang ang BPI Foundation. Aniya, bahagi rin ng holistic development ng mga kabataan ang basic financial literacy kaya sa pamamagitan ng programa ay matututunan nila sa murang edad ang kahalagahan ng pag-budget at pag-iipon ng pera. “We are pleased to partner with BPI Foundation and other educational stakeholders. Together, we are taking steps toward building a more financially literate Philippines—one where young people are equipped to make wise financial choices, secure their futures, and contribute to the prosperity of our nation,” saad ni Rina.
“Gaining insights on the importance of saving and budgeting at an early stage is crucial to have a strong foundation in financial literacy. EstudyanTIPID is consistent with our commitment to ‘Kasama Lahat sa Pag-Unlad,’ and our vision of helping build a better Philippines—one family, one community at a time,” saad naman ni Carmina Marquez, BPIF Executive Director.
Bago ang premiere ng programa, inintrodyus ng Knowledge Channel at BPI Foundation ang EstudyanTIPID sa mga estudyante ng Ernesto Rondon High School sa Quezon City, kung saan nakasama rin nila ang isa sa cast nito na si Stanley.
Mapapanood ang EstudyanTIPID tuwing Lunes, 3:20 p.m., na may replay tuwing Miyerkules, Biyernes, at Linggo sa Knowledge Channel, na available sa cable, direct-to-home satellite and DTT, pati online sa iWantTFC. Ipalalabas din ito sa Kapamilya Channel at A2Z.