Babalik daw ng Pilipinas
Kumakalat na at patuloy na pinag-usapan ang isyu ni Ken Chan na umalis na raw ng bansa dahil sa kasong haharapin niya.
Sa blind item lang ito nag-umpisa, pero pinangalanan na siya raw ang tinutukoy.
Ilang beses ko ring tini-text si Ken pero hindi ito sumasagot.
Ang latest na nasagap namin base sa ilang napagtanungan namin, nasa ibang bansa nga raw ito kasama ang pamilya.
Pero nasampahan daw siya ng kasong Syndicated Estafa kasama ang partners nito sa negosyo at ilang miyembro ng pamilya.
Hindi lang idinetalye kung ano ang pinanggalingan ng kasong ito. Ang sabi pa ng ilang napagtanungan namin, nasa bakasyon siya nang ibinaba ang resolution sa reklamong isinampa, sa Office of the City Prosecutor ng Quezon City.
Kaya itinuloy na lang daw at hindi na muna bumalik ng bansa.
Nasa media conference kami noong Martes sa bagong musical youth-oriented show ng GMA 7 na MAKA at may ilang nakausap kami roon tungkol sa kalagayan ngayon ni Ken.
Ang sabi, pabalik na raw ng bansa para harapin ang kaso. Napag-alaman na rin namin nang umakyat daw ang kasong isinampa sa kanya at nagpalit daw ito ng abogado.
Ang kinuha na raw na hahawak ng kanyang kaso ay si Atty. Maggie Abraham-Garduque kaya kaagad naming itinext si Atty. Maggie pero hindi siya sumagot.
Kapag tungkol sa isyu kaso nina Richard Cruz at Jojo Nones kay Sandro Muhlach, kaagad niya kaming sinagot. Pero dito kay Ken ay tikom ang kanyang bibig.
Humingi raw ngayon si Ken ng tulong kay Atty. Maggie kung ano ang susunod niyang hakbang kaugnay rito.
Ang latest na napag-alaman namin, nag-file na raw si Atty. Garduque sa Department of Justice ng petition for review, para ma-reverse ang resolution ng Office of the City Prosecutors ng Quezon City.
Base rin sa ilang napagtanungan namin, kung mapagbigyan o ma-grant itong petition na isinumite ng abogado ni Ken, maaring ma-withdraw ng OCP ang ini-file sa korte at posibleng ma-dismiss ang kaso.
Pero pawang kuwento pa lang itong nasagap namin, at hindi pa nakumpirma sa amin ng kampo ng Kapuso actor.
Sana malagpasan niya ito para makabalik na siya sa trabaho at matuloy ang pelikulang pagsasamahan daw nila ni Jillian Ward.
Lola ng mister ni Iza, 104 taon na!
Sobrang tuwa ni direk Lino Cayetano at direk Shugo Praico na nabuo nila ang isa sa dream project nila, itong Caretakers at magagaling pa ang kanilang lead actress.
Sina Iza Calzado at Dimples Romana ang bida sa eco-horror movie na ito na talagang nagpapasalamat sila dahil tinanggap ang film project na ito ng dalawang mahusay na aktres.
Bumagay sa kanila dahil pareho silang nanay. Tumatalakay kasi sa kuwento ng dalawang nanay na gagawin ang lahat para sa kanilang pamilya, lalo na sa kanilang mga anak.
Sabi nga nina Iza at Dimples, lahat sa karakter ng isang ina ay lalabas, mabuti man ‘yan o masama alang-alang sa kanilang mga anak.
Napag-usapan ang anak, talagang nangingislap ang mga mata ni Iza nang napag-usapan ang first vacation ng anak nila ni Ben Wintle na si Deia Amihan. Halos tatlong linggo raw sila sa Poole sa United Kingdom na kung saan doon naninirahan ang pamilya ni Ben.
Natawa si Iza sa kanyang unica hija na ang dali raw mag-adjust sa lugar na pinupuntahan niya. “Parang mas naging tisay siya nung nandun. Hindi ko maintindihan. Sabi ko bakit ‘yung anak ko parang nalagyan lang ng hangin na malamig-lamig, mas naging tisay. Pagbalik dito (Manila) bumalik na naman siya sa pagka-Pinay,” bulalas ng premyadong aktres.
Ang ganda raw ng bonding nila roon dahil talagang nagkaroon daw sila ng sapat na panahon para makasama ni Deia ang mga pamilya niya sa UK. Ang oras daw talaga sa pamilya ang pinakamahalaga sa ngayon at gusto raw sana ni Iza na hindi lang minsan kundi dalas-dalasan ni Deia na maka-bonding ang mga lolo at lola niya sa UK.
At nagulat kami, buhay pa pala ang lola ni Ben na mag-104 years old na.