Humanda na para sa hit YouTube series ni Julius Babao na Julius Babao Unplugged dahil mapapanood na ito sa TV5 simula Setyembre 22, tuwing Linggo, alas-4 ng hapon. Walang filter na ibabahagi ng celebrities at personalidad ang kanilang mga buhay sa pamamagitan ng ‘where are they now’ type na mga interview.
Tampok sa bawat episode ng Julius Babao Unplugged ang iba’t ibang kwento ng mga kilalang personalidad noon at ngayon at ang kanilang mga kuwento sa likod ng kanilang kasikatan.
Ang kaibahan ng Julius Babao Unplugged sa TV5 ay ang mas malalim na pagtalakay sa mga pinagdaanan ng mga kilalang indibidwal. Higit sa karaniwang Q&A, mas eksklusibong ibabahagi ang kanilang mga tagumpay, kabiguan, at mga aral na siguradong magbibigay-inspirasyon sa mga manonood.
Ilan sa mga kwentong dapat abangan ay ang muling pagbangon ni Gardo Versoza matapos ang kanyang heart attack, ang himalang paggaling ni Dindo Arroyo mula sa pancreatic cancer, mga kontrobersyal na pahayag mula kina AJ Raval, Mercedes Cabral, Queenay, at marami pang iba.
Dito, lalayo muna si Julius Babao sa kanyang papel bilang isang respetadong news anchor at journalist para magpakita ng bagong istilo ng pamamahayag kung saan malayang makapagbabahagi ng kanilang damdamin ang kanyang mga panauhin sa mga kwentong tatagos sa puso ng bawat manonood.
Layon ng bagong show na ito ang maghatid ng mas malalim na pagkilala sa mga personalidad para mas lubos silang maunawaan ng publiko.
Abangan ang premiere ng Julius Babao Unplugged sa Setyembre 22 at panoorin ito tuwing Linggo, alas-4 ng hapon sa TV5.