Nakalahok ang pelikulang Sunshine na pinagbidahan ni Maris Racal sa ginanap na Toronto International Film Festival noong nakaraang linggo. Hindi nakadalo ang aktres sa naturang event dahil kinailangang pumunta sa Italy para sa taping ng seryeng Incognito na pinagbibidahan naman nina Daniel Padilla at Richard Gutierrez. “I made a commitment kasi and this (Italy taping) is booked na way early this year. I appreciate naman the production and ABS-CBN. They really tried to move things around for me ‘coz they know how important TIFF is for me. They really tried to change the schedule but matagal na talagang naka-book ‘yung Italy,” pagbabahagi ni Maris.
Masayang-masaya ang dalaga sa komento ng mga nakapanood ng pelikula sa TIFF 2024.
Si Antoinette Jadaone ang direktor ni Maris sa Sunshine na kaisa-isang pelikulang Pinoy na nakabilang sa naturang international film festival. “The important thing is there is a Filipino movie na kasama na TIFF 2024. Sobrang natuwa ako kasi ang daming lumabas na tao na they were rooting for you since day one. Thankful din ako for Direk Tonet for trusting me with this huge responsibility. Hindi biro ‘yung role na ‘yon,” pagtatapos ng aktres.
Julie Anne, sanay na sa intimate scenes ni Rayver
Mayroong mga intimate scenes si Rayver Cruz sa Asawa ng Asawa Ko na pinagbibidahan ng aktor, Liezel Lopez at Jasmin Curtis-Smith. Kahit nagpapaseksi sa naturang serye ay suportado naman daw ni Julie Anne San Jose ang kasintahan. “I watched it, I watched them. Magagaling kasi talaga silang mga actor and maganda rin ‘yung story line. Of course, sa direksyon ni Direk Laurice Guillen. Sanay naman ako and kaibigan ko naman ‘yon, mga tropa ko rin naman ‘yung mga ‘yon. Wala naman kaso sa ‘kin because we’re both actors. Alam naman namin ‘yan eh and ‘yon talaga ‘yung trabaho namin. For sure, kung may scenes din ako na gano’n, it’s because we have to do our job and we have to make ourselves believable because ‘yon ‘yung character, di ba?” nakangiting pahayag ni Julie Anne.
Bukod sa suportang ipinararamdam ng aktres ay masaya rin umano si Rayver sa naging ratings ng naturang serye. Malaki ang pasasalamat ng aktor sa lahat ng mga manonood na patuloy na tumatangkilik sa kanilang programa. “Kaya rin naman mataas ‘yung ratings kasi dahil sa kanila and talagang tinangkilik nila ‘yung show,” giit ni Rayver.
Ayon sa binata ay talagang pamilya na ang turingan nila ng mga kasamahan sa taping ng serye. “Talagang naging isang pamilya kasi kami doon sa show. Siguro kaya nag-translate ‘yung vibe na parang no’ng una kasi nando’n ‘yung pressure and then pagdating no’ng ginagawa naming show, parang na-enjoy na lang namin siya. Alam ko extended na naman kami. So maraming, maraming salamat po,” paglalahad ng aktor. — Reports from JCC