Ngayong 7:15 ng gabi na magsisimula ang The Clash na nasa ika-6th season na.
Sa nakaraang mediacon nito, kinantiyawan namin si Julie Anne San Jose na sobrang
hataw siya ngayon.
Clash Master siya, kasama si Rayver Cruz sa The Clash, at sa Linggo naman ay coach siya sa The Voice Kids.
Bukod pa riyan ay may All-Out Sundays pa siya at ang dami niyang mga commitment na shows sa mga probinsya at ibang bansa.
Kasali rin si Julie Anne sa benefit show ng mag-asawang Ka Tunying at Roselle Taberna na Thrive, kasama sina Ogie Alcasid, Lani Misalucha at Darren.
Tinanong namin si Julie Anne kung super ipon ba siya ngayon para sa future nila ni Rayver?
“Nag-iipon po ako. Nag-iipon po kami,” pakli ng Limitless Star.
“Sobrang grateful ako sa mga opportunity kasi binigyan ako ng ganitong klaseng shows ng GMA. And I also feel you know, parang… responsible din because dalawang roles ‘yung ginagampanan ko, as Clash master, ‘yung isa as coach naman sa The Voice Kids. So, talagang pinagbubutihan,” dagdag niyang pahayag.
Sabi naman ni Rayver, “Sobrang nakakatuwa ‘yung blessings na dumadating sa amin, sa JulieVer and totoo naman po e. Nag-iipon po kami para sa future naming dalawa. Wala naman po akong i-share ng future ko kundi sa kanya lang talaga.
“Alam naman niya na gusto ko siyang makasama habang buhay.”
Kapag tungkol na sa planong kasal ang pinag-uusapan, hindi lang makasagot nang detalyado si Rayver dahil gusto naman niyang ma-surprise ang kasintahan.
“Mahirap pag-usapan dito, kasi nakikiramdam na siya e. Baka hindi na ma-surprise e,” napangiti niyang sagot.
Pero ayon sa ilang taong malapit sa kanilang dalawa, malabo na raw ang kasalan next year dahil may commitments pa si Julie Anne na kailangan ay single siya.
“Hindi po kasi ako makasagot nung tanong na ‘yan, magdedepende po talaga ‘yan e,” maingat na sagot ni Julie Anne.
“Saka mahirap po magbigay ng definite date, kasi ‘yun po ang laging tanong sa akin. Kung wedding naman po ‘yung pag-uusapan, darating naman po talaga ‘yan, in God’s perfect time.
“Basta alam ko sa puso ko na wala naman pong ibang pakasalan kundi si Julie Anne San Jose.
“So, ‘yung definite date, kung kailan ‘yung plano, mahirap sagutin ‘yan kasi kailangan… I mean internal muna nangyayari ‘yan. But definitely you guys will know naman. Hindi naman para itago,” saad ni Rayver.
Sandro. ‘di kayang makita ang mga kinasuhan
Nag-iba ang pakiramdam ni Sandro Muhlach nang nakita niya uli sina Richard Cruz at Jojo Nones, ang inakusahan niyang diumano’y nanghalay sa kanya pagkatapos ng GMA Gala noong July 21.
Hindi sila nagtagpo sa Senado, pero hindi naiwasan, nagkaharap sila uli sa Department of Justice nung nakaraang Huwebes.
Ayon sa kuwento sa amin ng legal counsel ng dalawang independent contractors na si Atty. Maggie Abraham-Garduque, napatayo raw si Sandro nang nakita niya ang dalawa at parang pasigaw na pinagsabihan daw silang huwag silang lumapit.
“Kaya I asked… lumapit po ako sa panel and I told the panel na it appears na kailangan na paghiwalayin,” bahagi ng kuwento sa amin ni Atty. Maggie nang makapanayam namin sa DZRH nung Huwebes ng gabi.
Hindi raw nila inaasahang dadalo roon si Sandro kasama ang ama nitong Niño Muhlach, dahil puwede naman daw ang abogado lang nito ang umapir.
“Kasi sila po ang susumpa sa kanilang counter-affidavit, at usually po ang abogado lang ng kabilang partido ang mag-appear kasi kukuha lang po ng reply affidavit. Kaya ang ikinagulat po namin na nandun po si Sandro kanina,” sabi pa ni Atty. Maggie.
Nakuha ko ang kopya ng kanilang counter-affidavit at isa-isang pinabulaanan nina Nones at Cruz ang mga akusasyon sa kanila.