Ang galing ng pagkagawa ng pelikulang Her Locket, isang family-drama movie, na nag-uwi ng walong parangal sa katatapos na Sinag Maynila Film Festival 2024.
Napanood namin ito noong isang gabi, sa last screening sa Sinag Maynila, at sa totoo lang, deserve nila ang naiuwing mga tropheo.
Ito ay produced at pinagbidahan ng Fil-Chinese businesswoman na si Rebecca Chuaunsu ng Rebecca Chuaunsu Film Production, sa pakikipagtulungan ng Rebelde Films.
Kabilang sa kanilang mga napanalunan ang mga sumusunod:
Best Film; Best Actress - Rebecca Chuaunsu; Best Supporting Actress - Elora Españo; Best Ensemble; Best Director - J. E. Tiglao; Best Screenplay - J. E. Tiglao and Maze Miranda; Best Cinematography - Jag Concepcion and Best Production Design - James Rosendal.
Mahusay ang pagkakaganap ni Filipino-Chinese actress na maaalala sa kanyang personalidad si Mother Lily Monteverde, sa papel bilang Jewel Ouyang, na nauna nang nanalong Best Actress mula sa Wu Wei International Film Festival sa Taiwan (na ginanap noong Setyembre 1) at 2023 Festival International du Film Transsaharien de Zagora sa Morocco.
Ang pelikula ay nagtatampok din kina Elora Españo (bilang Teresa, ang caregiver); Boo Gabunada (bilang Kyle, anak na abogado ni Jewel); Sophie Ng (batang Jewel); at Benedict Cua (young Magnus, kapatid ni Jewel).
Maayos nilang nailahad ang kuwento – na sa tulong ng isang kwintas na may locket ng may edad na Tsino kasama ang kanyang caregiver ay unti-unti niyang naibalik at natandaan ang mga alaala mula sa nakaraan.
Kwento niya (Ms. Rebecca) sa entertainment writers na dumalo nu’ng Martes ng gabi, “This has been a very difficult journey because when we were doing the pre-production stage, we were still in pandemic. Everything was done via Zoom and then my husband got sick. And then during the production stage, my husband got very ill, he got hospitalized at the ICU. And during the post production stage, when we were doing the subtitles, he passed away.”
Ganunpaman, sobra umano siyang nagpapasalamat dahil malaking tulong ang paggawa niya ng Mandarin subtitles ng pelikula sa pagmo-move forward niya sa pagkawala ng mister na si John.
Hindi ito ang kauna-unahang pelikula ni Rebecca. Nakagawa na rin siya ng iba pang mga proyekto tulad ng Wagas (2003) at Sitsit (2020).
Hindi man daw niya pinangarap na mag-uwi ng kabi-kabilang best actress trophies, aminado naman siya na pinangarap talaga niyang maging aktres.
Anyway, bale passion project ito ni Rebecca dahil inspired ang Her Locket ng kuwento ng kanilang pamilya.
Ang istorya nito ay umiikot sa isang babaeng may dementia na bumabalik ang matatamis at masasakit na alaala tuwing suot ang locket na may litrato ng kanyang Tsinong ina, ama at kapatid.
Puring-puri ng press ang ganda ng pelikula mula sa matinong direksyon ni Direk J.E. hanggang sa mahusay na pag-arte ng mga artista.
Touching ang message ng pelikula sa usapin ng pagmamahal at pagpapatawad. Mapapaisip ka rin sa irony involved sa pag-alala’t paglimot ng isang may dementia sa nakaraan niyang may kakambal na saya’t kirot.
Nang tanungin kung ano pa ang plano niya para sa Her Locket, sinabi ni Rebecca na, “We will still continue to bring this abroad, to the regionals also, to the school campuses and for the next five years with Sinag Maynila.”
Kung may pinagbago man daw sa buhay niya ngayon dahil sa tagumpay ng Her Locket, ayon sa aktres/produ, ito ay may kinalaman sa pagtitiwala at pananampalataya.
“Trust and faith. Kasi during that time when we were producing, it was pandemic. So, every step of the way, for funding, for ideas, for concept, you keep on trusting the Lord. And leap of faith that the Lord will bring us abroad, to the Philippines, to different regions and school campuses,” diin niya.
May kasunod na ba siyang proyekto pagkatapos nito?
Sagot niyang nakangiti, “When I recoup my investment.”
Ang pelikula ay naimbitahan ding makilahok sa San Diego Film Festival (USA) sa darating na Oktubre 2024.