Julie Anne, na-pressure!
Isa si Julie Anne San Jose sa mga pinakamaninging na bituin sa kanyang henerasyon. Nabansagang Asia’s Limitless Star ang dalaga dahil na rin sa kabi-kabilang proyekto na kanyang nagawa sa mahigit isang dekada ng pagiging aktibo sa show business. “Sa totoo lang, Tito Boy, hindi ko po iniisip ‘yung ganyang klaseng title. I’m just really grateful sa lahat ng blessings na ipinagkaloob sa akin ni Lord. In that way, nakakapagpasaya ako. Nakaka-entertain ako ng mga tao through my skills like songwriting, singing, dancing, hosting, coaching. So those things, parang ‘yon ang nagma-matter sa akin because that’s what I love to do,” nakangiting bungad sa amin ni Julie Anne sa Fast Talk with Boy Abunda.
Simula ngayong Sabado ay mapapanood na ang pinakabagong season ng The Clash kung saan host o Clash Master si Julie Anne. “Umpisahan natin sa Sabado, there’s gonna be ‘The Clash’ isa laban sa lahat. It’s our 6th season and I’m just very happy, Tito Boy, kasi nga pang-anim na season na namin ‘to. Nakaka-proud lahat ng produkto ng the Clash. Excited ako, excited kaming lahat kasi nga may bago na namang champion na kailangang abangan ng lahat,” paglalahad ng singer-actress.
Magsisilbi naman bilang coach ang dalaga simula ngayong Linggo sa The Voice Kids kasama sina Billy Crawford at ang SB19 members na sina Stell at Pablo. Ayon kay Julie Anne ay talagang pinaghandaan niya ngayon dahil mayroong makakatrabahong baguhang coach sa naturang programa. “No’ng una sinabi ko na ‘yung mga kasama ko dito, mga bigatin ‘tong mga ‘to. I have to step up my game. Sa previous season namin ng The Voice Generation, nakilala ko na ‘yung mga kasamahan ko. Tapos may bagong salta na coach (Pablo), kailangan ko talaga mag-isip ng bagong strategy kung paano makakuha ng talent at kung paano hindi makuha sa akin ‘yung mga talents ko. Because kids naman ito and I really love kids. My advantage would be… siyempre ako lang ‘yung only girl,” nakangiting pahayag ng dalaga.
Lubos ang pasasalamat ni Julie Anne sa mga tagahangang patuloy na sumusuporta sa lahat ng kanyang mga ginagawang proyekto. Kamakailan ay binago na ng aktres ang sariling fandom name. “Wala talaga akong specific name sa fandom ko before. I call them ‘Adiks’ kasi sobrang active nila sa lahat. Kunyari may mga mall shows ako, lagi silang pumupunta do’n. Kumbaga wala silang pinipiling oras na mag-stop. Sa sobrang active nila tinawag ko silang ‘Adiks’ pero siyempre that was like back then. Ang hirap na kasing gamitin ngayon ng term na ‘yon. Sabi ko baka it’s about time din na bigyan ko ng proper fandom name ‘yung supporters ko. And it became ‘JAmantes.’ Nagpa-poll kami, Tito Boy, hanggang sa umabot kami na nanalo ‘yung ‘JAmantes.’ Para silang mga diamonds para sa akin,” pagdedetalye ng Kapuso actress.
Mayroong ilang miyembro ng JAmantes ang hindi boto kay Rayver Cruz bilang kasintahan ng dalaga. Wala naman daw itong problema kay Julie Anne dahil mas nangingibabaw ang pagmamahal sa kanya ng aktor. “I just find it very sweet and wala talaga sa kanya ‘yon, Tito Boy. Kasi lagi niya akong nire-reassure like, ‘Kahit na anong mangyari, ano man ang sabihin ng tao, kahit mayroong ayaw sa akin, kung ano man ang sabihin nila tungkol sa akin, it doesn’t matter. Kasi I love you so much and hinding-hindi magbabago ‘yon because of may mga ayaw sa akin,’” pagtatapat ni Julie Anne. (Reports from JCC)
- Latest