Simula ngayong Sabado ay mapapanood na ang ika-anim na season ng The Clash. Muling magsisilbing judges sina Lani Misalucha, Christian Bautista at Ai Ai delas Alas sa naturang reality show ng GMA Network. Tiyak na maraming aral ang matutunan ng Clashers o contestants mula sa judges ng The Clash 2024. “Kailangan talaga ng determinasyon kasi if you really want to sing. Walang imposible naman sa isang bagay na pinaniniwalaan mong kakayanin mo,” bungad ni Lani sa amin sa Fast Talk with Boy Abunda.
Mahalaga rin para sa Asia’s Nightingale ang pagkakaroon ng karisma ng isang mang-aawit. Ayon kay Lani ay maaari naman itong mapag-aralan ng bawat isa. “Isa rin ‘yan sa pwedeng pag-aralan eh. Para sa akin ang karisma innate na ‘yan eh, natural na ‘yan eh. Minsan naman, ‘Alam mo, pwede mo pang mahasa ‘yan,’” giit niya.
Para kay Lani ay talagang maipagmamalaki sa buong mundo ang talento ng mga Pinoy pagdating sa kantahan.
Gayunpaman ay hirap pa rin umanong makilala dahil na rin sa iba’t ibang tunog ng mga mang-aawit sa bawat panig ng daigdig. “Talagang ‘yung identity. Sabihin na natin Koreans, maaring ‘yung mga kanta nila, ‘yung tunog nila very western. Ang mga music video nila very western, parang Amerikanong-Amerikano ang dating. Pero makikita mo talaga na lahat sila singkit, mapuputi, iisa ang hitsura. Maaano mo na Koreans. ‘Yung mga Pilipino may mestizo, may itim, walang solid na iisa-isa na sasabihin mo na, ‘Ay! Pilipino ito,’” paliwanag ng Asia’s Nightingale.
LA, may wish kay Janella
Napapanood na ngayon sa ilang piling mga sinehan ang Maple Leaf Dreams na pinagbibidahan nina Kira Balinger at LA Santos. Isa ito sa mga pelikulang kalahok sa Sinag Maynila Film Festival 2024. Sa Canada pa kinunan ang karamihan sa mga eksena sa naturang proyekto. “15 days kami sa Canada. Kapag hindi shooting day, pahinga lang po kami roon. Pumapasyal kami pero sa sine lang sa downtown sa Toronto. Kapag nagsu-shoot, nakakapagod din,” kwento ni LA sa ABS-CBN News.
Sa edad na dalawampu’t apat na taong gulang ay unti-unti nang natutupad ng aktor ang kanyang mga pinapangarap lamang noon. Taong 2017 nang magsimula bilang singer si LA at mula noon ay kabi-kabila na rin ang acting projects na nagawa. Mayroong payo ang binata para sa mga kabataang may pangarap katulad niya. “Ang masasabi ko lang sa mga kaedad ko, mangarap lang tayo kahit mahirap talaga at kahit mahaba pa ang tatahakin natin, huwag bitawan ‘yung pangarap. Minsan makakalimutan natin ‘yon, madadala tayo sa mga mangyayari sa buhay natin. Huwag bibitawan ‘yung pangarap na ‘yon. Kasi ‘yon ang utang na loob mo para sa batang version mo,” makahulugang paglalahad ng binata.
Bukod sa pag-arte ay aktibo rin si LA sa pagkanta. Kung mabibigyan ng pagkakataon ay gustong makatrabaho ng actor-singer si Janella Salvador. Matatandaang unang nagkatrabaho ang dalawa sa Mars Ravelo’s Darna noong 2022. “Nagpa-plan po ako na mag-release ng album under Star Music po. Matagal na po ‘yung last album ko. Dream collab ko po si Janella talaga. Kasi no’ng Darna pa lang, naging very close na kami ni Janella at talagang nakita ko po na grabe ang artistry niya,” pagtatapat ng aktor. — Reports from JCC