Kinumpirma sa amin ni Atty. Maggie Abraham-Garduque na magbabalik ang TAPE, Inc. sa pagpo-produce ng mga show.
Nagpahinga lang daw sila ng ilang buwan, at sa pangunguna ni Mr. Romeo Jalosjos Jr., nagkaroon lang daw sila restructuring sa administration at production para sa mas maganda at exciting na mga project.
Sabi rin sa amin ni Atty. Maggie; They will not only venture on television but likewise online shows, events and concerts.”
Noon pa man ay may naririnig na kaming nakikipag-usap sila sa AllTV pero walang nagkumpirma sa kanila, kahit kinukulit din namin ang mga taga-AllTV.
Malay natin, baka magkaroon din sila ng show sa GMA 7 dahil okay pa rin naman daw ang relasyon ng mga Jalosjos sa Kapuso network.
Abangan na lang natin!
Inigo, maagang nag-celebrate ng birthday
Bumalik na ng Amerika si Inigo Pascual pagkatapos niyang mag-shoot sa pelikulang Fatherland.
Kasama pala siya sa CS All Stars US tour ng stars ng Cornerstone Entertainment, at meron pa silang Father and Son concert ni Piolo Pascual sa Vancouver at Montreal, Canada.
Doon na rin daw siya mag-celebrate ng kanyang birthday na nai-celebrate na raw niya kasama ang Papa niya bago siya umalis.
Sobrang happy si Inigo at na-challenge raw siya sa mga co-star niya at naidirek ni Joel Lamangan.
Puring-puri ni Direk Joel si Inigo sa film project na ito. “Isang pangarap na natupad, and sabi ko nga sa storycon, nang nalaman ko na Direk Joel, talagang sabi ko, hindi na pinag-iisipan iyun. Pero at the same time kinakabahan ako knowing na, stories na sobrang strick daw si Direk Joel sa set. Pero nang nakatrabaho, sobrang mabait na tao si direk. Ginagawa lang niya talagang maayos yung trabaho. Sobrang bilis namin natatapos, halos everyday sa set,” pahayag ni Inigo.
Balak ng BenTria Productions at Heaven’s Best Entertainment na i-submit ito sa Metro Manila Film Festival, kaya tinutukan na nila ang post production nito.
Pag nagkataon, magtatapat ang mag-amang Piolo at Inigo sa MMFF. Merong The Kingdom si Piolo kasama si Vic Sotto na pasok na ang script sa MMFF.
Her Locket, Big Winner sa Sinag
Congratulations sa lahat na bumubuo ng Sinag Maynila na nasa ika-anim na taon na. Natigil ito ng ilang taon dahil sa pandemic, at ngayon lang uli nakabalik.
Pitong indie films ang kasali at nagkaroon na sila ng awarding noong Linggo, September 8 na ginanap sa Metropolitan Theater.
Hinakot ng pelikulang Her Locket na pinagbidahan ng producer at actress na si Rebecca Chuaunsu. Siya rin ang nagwaging Best Actress at nag-Best Supporting Actress sa pelikulang ito si Elora Espano. Ito rin ang nagwaging Best Film at si direk J.E. Tiglao ang Best Director.
Si Ronnie Lazaro naman ang hinirang na Best Actor, at Best Supporting Actor si Jansen Magpusao ng pelikulang Gospel of the Beast.
Masaya si Direk Brillante Mendoza sa kinalabasan ng Sinag Maynila dahil nabigyan nila ng pagkakataong maipalabas ang mga pelikula galing sa iba’t ibang probinsya.
Karamihan sa mga short films at documentary ay galing sa mga probinsya.
“Natuwa kami na finally, nabigyan ng pansin ang mga regional films at iba pang pelikula na hindi napapanood na alam mo naman sa mainstream, pag walang mainstream actors talaga hindi sila napapansin,” banggit ni direk Brillante Mendoza.