Malapit nang matapos ang drama series na talagang sinubaybayan ng karamihan.
Dahil sa matatapos na ito, pinaghahandaan na ng cast na mawawalan na sila ng trabaho.
Nakiusap ang isang veteran actress na huwag naman daw muna siyang patayin agad.
Okay na kung ilagay siya sa ICU at nakahiga lang, basta kasali pa rin siya at may talent fee.
Medyo wrong timing daw kasi na magpa-Pasko, tapos mawawalan na siya ng programa. Kaya nakiusap na huwag muna siyang patayin.
Pero ang isang aktres naman na regular sa seryeng ito ay gusto nang ‘patayin’ ng production staff.
Feeling big star at bida sa seryeng ito ang drama nitong si aktres, dahil kung makautos daw sa mga staff ay akala mo señorang-señora ang dating.
Minsan daw sa set ay tama namang dumating ang monthly period nitong si aktres, at tumagos ito sa damit na pinasuot sa kanya ng wardrobe stylist.
Ang ginawa ba naman daw nitong aktres ay inutusan daw ang wardrobe stylist na labhan itong tinagusang damit.
Sinabihan daw siya ng wardrobe stylist na hindi ‘yun bahagi sa trabaho niya na paglabahin siya ng damit.
Wala naman daw sanang problema dun kung maayos mag-utos itong si aktres. Kaso akala mo alipin ang trato sa mga staff kung makautos.
Kaya pinag-uusapan na ito ng production staff na ewan ko kung makakaulit pa siya sa grupong ito.
Sa ganitong trabaho pa naman, mas mahalaga sa kanila ang attitude kesa sa galing mo sa pag-arte.
At kung marunong kang makisama sa production staff, tiyak na makakaulit ka sa susunod nilang project.
Paolo, tameme pa rin sa MTRCB
Pagkatapos i-finalize ng MTRCB ang X sa pelikulang Dear Santa (ang dating Dear Satan), nag-focus muna ang taga-Mavx Productions sa susunod na pelikulang gagawin nila.
Nakatakda na silang lumipad pa-Cebu para sa principal photography ng ConMom na follow-up movie nina Paolo Contis, Patrick Garcia at Kaye Abad.
Ngayong final na itong pag-X sa MTRCB, puwede pa nila itong iapela sa Malacañang at kung ma-X pa rin, aabot pa hanggang Supreme Court.
Pero ang pagkakaalam ko ay may schedule na ito sa Netflix na hindi pa sakop ng MTRCB.
Nakausap namin sa radio program namin sa DZRH si Richard Reynoso, ang chairman ng committee na siyang nag-second review ng naturang pelikula.
Maayos niyang ipinaliwanag na walang personalan itong pagbigay nila ng decision sa Dear Santa. Inilabas daw nila ang personal nilang belief, ang kanilang relihiyon sa pag-review. Sumunod daw sila sa panuntunan nila, ang Presidential Decree 1986. “’Yun po ang parang Bibliya ho namin kapag kami nagre-review. Nandiyan po ‘yung batas na napapaloob na sinusunod namin. Nandiyan po ‘yung standard na sinusunod po natin.
“So, kung ano man po ‘yung personal feelings namin toward a certain movie, e hindi po ‘yan nakaka-supercede doon sa ating PD 1986. May sinusunod po tayo. Ikanga, walang personalan,” saad ni Richard Reynoso.
Lima raw sila sa committee na nag-review sa pangalawang pagkakataon, at nagkaroon daw ng deliberation bago sila nag-submit ng kanilang report.
Naging maingay na ang pelikulang ito nung kinukuwestiyon pa lang ang title nito.
Baka isipin daw ng mga tao na nakaimpluwensya sa kanila ang pananaw ni Chairperson Lala Sotto-Antonio. Labas daw ‘yun sa kanilang desisyon.
“Meron pa pong misconception na lumalabas na kaya namin na-X ‘yan kasi gawa ni Chair Lala na-offend or ano. Kung babalikan ho natin ‘yung nangyaring usapan sa Senado, personally ho, dahil nakapanood din po kami, personally, tinanong ho ni Sen. Jinggoy (Estrada) kung ano po ‘yung naging pakiramdam ng amin pong Chairman dun sa pelikula, kaya po niya nasagot na it offended her.
“Pero, let us remember, balikan po natin, tatlo lang po ‘yung board member na nagde-decide diyan, and there is no way na puwede hong baliktarin o baguhin ng Chairman kung ano po ang decision ng committee,” katwiran pa ni Richard Reynoso.
Abangan na lang natin kung ano ang reaksyon dito ng producer ng pelikulang ito at ni Paolo Contis na bida sa pelikulang ito na ayaw pa munang magsalita.