MTRCB nanindigan... movie ni Paolo na Satan, X-rated talaga!
Nanindigan sa ikalawang pagkakataon ang Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) sa una nitong desisyon na bigyan ng X rating ang pelikulang Dear Santa na dating Dear Satan (starring Paolo Contis) ang pamagat.
Ibig sabihin ng X ay hindi ito pwedeng ipalabas sa mga sinehan matapos na ito’y makitaan diumano ng pag-atake sa paniniwala at relihiyon, partikular sa simbahang Katolika at ng iba pang Kristiyano.
Isinagawa ang ikalawang ribyu noong Setyembre 5.
Sa unang ribyu, na-X ang Dear Satan dahil sa paglabag nito sa Presidential Decree No. 1986, Chapter IV, Section F, Subsection (c). Alinsunod sa naturang probisyon, hindi pinapahintulutan ng MTRCB ang pagpapalabas ng pelikula, programa sa telebisyon o anumang katulad na pampublikong materyal o patalastas kung “Ang pelikula ay malinaw na naglalaman ng pag-atake sa anumang lahi, paniniwala o relihiyon.”
Nakitaan din daw ng Komite ang pelikula ng baluktot na paglalarawan kay ‘Satanas’ na taliwas sa mga turo ng simbahang Katolika at ng Kristiyanismo. Mapanlinlang ang depiksiyon kay Satanas at puwedeng malihis ang landas ng mga manonood katwiran pa ng nasabing ahensiya ng pamahalaan.
Nilinaw ni MTRCB Chairperson and CEO Lala Sotto-Antonio na ang Committee system ang siyang masusing nagriribyu ng mga pelikula.
“Kami sa MTRCB ay tapat na sumusunod sa mandatong kaloob ng PD No. 1986 na kailangang balansehin ang umiiral na kultura at moralidad ng mga Pilipino,” sabi ni Sotto-Antonio.
Iginiit niyang kaisa lagi ang ahensya para sa pangkalahatang tagumpay ng idustriya ng pelikula at telebisyon ayon sa mga umiiral na mga batas sa bansa.
- Latest