Kamakailan ay naipalabas na ang kissing scene nina Barbie Forteza at David Licauco sa Pulang Araw. Ginagampanan ng aktres ang karakter ni Adelina habang si Hiroshi naman ang ginagampanang karakter ng binata sa naturang serye ng GMA network. Pinaghandaan umanong mabuti ni Barbie ang naturang eksena sa serye upang lumabas ang tunay niyang emosyon. “Hindi naman mahirap i-motivate emotionally kasi very obvious ‘yung love ni Adelina and Hiroshi for each other. So labanan mo lang talaga ‘yon ng restraint and ‘yung pagiging forbidden kasi hindi talaga sila pwede,” pahayag ni Barbie sa Updated with Nelson Canlas.
Ayon sa dalaga ay talagang naramdaman nila ni David ang gigil nang gawin ang kissing scene. “So ‘yung gano’n, ‘yung gigil. Gano’n talaga eh. Bakit naging magkaibigan tayo dati pero bakit hindi natin pwedeng mahalin ang isa’t isa? ‘Yung alam mo ‘yung gano’ng pakiramdam na may mga tao na isa lang ang nagmamahal, ‘yung isa hindi niya mahal ‘yung tao. Pero ang kaso kasi dito parehas naming mahal ‘yung isa’t isa pero bakit hindi pwede?” paglalahad ng aktres.
Nakaranas ng online bashing si Barbie nang mapanood ng netizens ang naturang kissing scene nila ni David. “Hindi daw ako magaling na actress kasi hindi raw ako nagpapa-kiss,” natatawang kwento ng dalaga.
Carlos, nagpaliwanag sa pagpasok sa showbiz
Si Carlos Yulo ang kauna-unahang Pilipinong atleta na nakapag-uwi ng dalawang gintong medalya mula sa Paris Olympics 2024. Ang binata rin ang kauna-unahang gymnast na nagwagi sa Olympics sa kasaysayan ng sports sa bansa.
Marami ang nagtatanong ngayon kay Carlos Yulo kung may plano bang sumabak sa show business. “Hindi po, hindi po talaga. Hindi po ako marunong umarte po eh. Gusto ko related talaga sa sports po. Makatulong po talaga sa community ng gymnastics po talaga. ‘Yon ang gusto ko. Hindi ko nakikita ang sarili ko na sa showbiz po ako eh,” pagbabahagi ni Carlos sa YouTube channel ni Luis Manzano.
Umaasa ang binata na magsisilbing inspirasyon sa lahat ng mga kababayan lalo na sa mga kabataan. Nais ni Carlos na makatulong sa iba pang nangangarap na maging isang gymnast. “Ma-share ko ‘yung knowledge ko po sa mga kabataan ang naging experience ko po sa high level. Hopefully makarating sila sa ganitong level po. Mapa-school or mapa-sports ang gusto n’yong pasukin, ituloy n’yo lang. Masarap mangarap talaga, piliin n’yo kung ano ang gusto n’yo, kilalanin n’yo kung sino kayo talaga. Darating talaga ‘yung times na mahirap ‘yung mae-experience n’yo. Kailangan meron tayong mabigat na rason para magtuluy-tuloy kung ano ang pinapangarap natin sa buhay,” makahulugang pahayag ng 2-time Olympic gold medalist.
(Reports from JCC)