Opisyal nang kasama si Alvin Elchico sa anchors ng TV Patrol umpisa noong Lunes (Sept 2), kung saan katuwang niya sina Noli de Castro, Karen Davila, at Bernadette Sembrano sa paghahatid ng mga nagbabagang balita.
“Panibagong yugto na naman ng aking buhay sa newsroom ang aking tatahakin at araw-araw na ako magbabalita sa ‘TV Patrol.’ Maraming, maraming salamat po sa tiwala,” sabi ni Alvin.
Bago maging anchor ng TV Patrol, nagsilbing anchor ng TV Patrol Weekend si Alvin sa loob ng 13 taon, habang nagbabalita bilang reporter ng energy at consumer beat. Nagsimula ang karera niya bilang field reporter hanggang sa naging anchor siya ng TV Patrol Bacolod.
Sa kanyang paglipat sa Manila, naging bahagi rin si Alvin ng AM radio station ng ABS-CBN na DZMM Radyo Patrol 630 kung saan pinagpatuloy niya ang kanyang trabaho bilang field reporter.
Bukod sa TV Patrol, patuloy pa rin ang pagiging anchor niya sa Gising Pilipinas kasama si Doris Bigornia sa Teleradyo Serbisyo.
Si Alvin ang pumalit kay Henry Omaga Diaz na nagpaalam sa TV Patrol noong Biyernes ng gabi para samahan ang kanyang pamilya sa Canada matapos ang ilang taon bilang ABS-CBN broadcast journalist at news anchor.
“Ipinapangako po namin na hindi namin kayo iiwan at patuloy naming palalakasin at pagagandahin ang pagkalap ng balita at impormasyon para sa sambayanang Pilipino sa Pilipinas at sa buong mundo,” dagdag niya.