Tsinika ng amang si Jeric, AJ tinatamad na talagang mag-showbiz!

Jeric Raval at Mayor Mamay
STAR/File

Isinama ni Jeric Raval ang iba niyang anak sa premiere night ng pelikulang Mamay: A Journey to Greatness, The Marcos Mamay Story.

Si Mayor Mamay ang kasalukuyang alkalde ng Lanao del Norte, at inspiring ang kuwento ng kanyang buhay na nagsimula sa kahirapan at nagsikap na mapalago ang kanyang ukay-ukay na tindahan.

Napaganda ni Mayor Mamay ang Lanao del Norte at peaceful sa lugar na iyun. Ang daming magagandang waterfalls doon at na-preserve nila ito. Pero ang sikat doon ay ang kanilang Nunungan Lake.

Tuwang-tuwa ang mga artistang involved sa pelikulang ito nang mag-shoot sila sa Lanao del Norte, dahil sa ganda ng lugar.

Si Jeric ang gumanap bilang si Mayor Mamay, at tuwang-tuwa ang alkalde dahil sa maayos daw na pagganap ni Jeric.

Kasama rin dito sina Ara Mina, Teejay Marquez, Devon Seron, Ali Forbes, at marami pa.

Sa premiere night nito na ginanap sa SM Megamall noong Martes ng gabi, napansin namin ang naggaguwapuhang anak ni Jeric na kasama nito.

Pero ang controversial niyang anak na si AJ Raval ang gustong kalkalin ng mga entertainment press na nag-cover doon.

Pinagtawanan na lang ni Jeric ang isyung anak diumano nina AJ at Aljur Abrenica ang kumalat na bitbit nilang bata sa pamamasyal.

Sabi ni Jeric, ang dami raw niyang apo, pero hindi raw kay AJ iyun. “Ilang beses na namin sinagot yan,” bulalas ni Jeric.

“Alam nyo, ang dami kong apo, 13 mag-14 na apo ko. So, yung mga apo ko sabay-sabay yan, mga batang maliliit. One of my apos siguro ang kasama,” dagdag niyang pahayag.

Nakita raw niya ang kuhang iyun, at yung batang kasama ng magka­sintahan ay apo raw niya iyun sa anak niyang si Ace na rapper.

“Feeling ko sikat yung anak ko. Ayaw na nga mag-artista, pinag-uusapan pa. Ayaw na niya, tinamad na e,” sabi pa ni Jeric.

Itinanggi rin niyang nagli-live in sina AJ at Aljur. Sa kanya pa rin daw nakatira si AJ.

Nag-decide na nga raw ang sexy actress na tumigil na muna sa pag-aartista. Kaya gusto raw niyang ituloy nito ang pag-aaral. “Ako naman kasi, kung saan masaya yung anak ko, sinusuportahan ko yung anak ko,” sambit ni Jeric Raval.

Sen. Jinggoy, tipid ang sagot sa apology ng akusado kay Sandro

Matipid lang ang sagot sa akin ni Sen. Jinggoy Estrada nang tinanong ko kung i-allow na niyang ma-release sa detention ang akusado sa panghahalay na si Jojo Nones matapos ang apology nito na pinadaan sa office ni Sen. Robin Padilla bilang chairman ng Senate hearing ng Committee on Public Information and Mass Media.

Inamin nga ni Nones sa nasabing letter na dala ng matinding anxiety kaya nagpakita siya ng ganung asal sa hearing. Kaya humihingi ito ng paumanhin sa sulat-kamay na liham na ipinadala niya sa senador.

Samantala, ang dami pa ring nag-react sa mga nakapanood sa hearing na iyun sa Senado.

Karamihan ay hindi nagustuhan ang napanood nila, at nakadagdag pa ang mainit ding balitaktakan sa Kongreso na kung saan dininig ang budget hearing ni Vice President Sara Duterte.

Matindi ang ipinost ng head writer ng seryeng Pulang Araw na si Suzette Doctolero.

Nadismaya siya kung paano tratuhin ni Sen. Jinggoy ang paraan nang pag-imbestiga kay Jojo Nones.

Bahagi ng mahaba niyang post sa kanyang social media account; “

“It seems the senator wanted to play judge, er no, but as a prosecutor nga and interfere in a case that should be within the jurisdiction of the judiciary.

“This Senate inquiry, supposedly conducted ‘in aid of legislation,’ is being conducted as if it were a court hearing, which is not its intended purpose. Anong tulong ang maibibigay ng ganitong pakikialam sa proseso na dapat nasa judiciary na?

“O baka naman hindi talaga alam ng ating mga senador na ito kung ano ang kanilang trabaho? I am just asking here.”

Pati ang ipinakitang asal ni Vice President Sara Duterte ay pinuna rin niya.

Pero ang mahalaga rito ay kung ano ang kahihinatnan ng hearing pagdating sa pinag-uusapan nilang batas sa Rape, Sexual Harassment at marami pa.

Show comments