Simula ngayong Lunes ay mapapanood na sa iba’t ibang Kapamilya platforms, A2Z at TV5 ang Lavender Fields na pinagbibidahan ni Jodi Sta. Maria. Tampok din sa pinakaaabangang serye sina Jericho Rosales, Janine Gutierrez, Jolina Magdangal, Edu Manzano, Maricel Soriano at Albert Martinez. Hindi raw talaga nagdalawang-isip na tanggapin ni Albert ang bagong proyekto dahil sa ilang mga bagay. “Number 1 would be casting. We have powerhouse casting dito sa Lavender Fields. That’s part of main ingredients of a good project. Then we have two good directors and of course the narrative is something interesting. Then pinakanagbigay sa akin ng yes is the character itself,” paglalahad ni Albert.
Gagampanan ng aktor ang karakter ni Zandro Fernandez na isang imbestigador. Para kay Albert ay kakaiba ang matutunghayan ng kanyang mga tagahanga ngayon sa naturang serye. Mapapanood din simula Aug. 30 sa Netflix at Aug. 31 naman sa iWantTFC ang Lavender Fields. “One of the best investigators sa agency. He’s the top, every case na ibinigay sa kanya, he was able to solve that’s why he was promoted to a higher rank but unfortunately his personal case, he failed. So ‘yon ang naging misyon niya in life, to find justice for that particular case,” pagdedetalye niya.
Magsisilbing reunion project para kina Albert at Maricel ang bagong proyekto. Ito naman ang kauna-unahang pagkakataon na nakatrabaho ng aktor si Edu sa isang serye. “With Maricel, I’ve worked with her so many times and it’s always a pleasure working with Maricel, premyadong aktor. So wala nang hirap. Parang everything is so easy when you work with her. With Edu, we’ve worked together in a film pero hindi kami nagkasama sa eksena. So first time kami to be in a scene together and being who he is as an actor, how professional he is, ang ganda ng mga eksena namin,” pagbabahagi ng beteranong aktor.
Kira, ginawang sponge si LA
Mapapanood na sa mga piling sinehan simula Sept. 25 ang Maple Leaf Dreams na pinagbibidahan nina Kira Balinger at LA Santos. Isa ito sa mga pelikulang kalahok sa Sinag Maynila 2024. Gumanap bilang mga OFW o overseas Filipino worker sa Canada ang dalawa. Mahigit isang taon na ang nakalilipas nang mag-shooting sina LA at Kira para sa naturang Sinag Maynila entry. Ayon sa aktor ay talagang pinaganda nila ang pelikula kaya natagalang maipalabas. “We waited for the perfect time to show the movie. And ‘yung Sinag Maynila is a prestigious festival and we’re so thankful na nagbukas ang Sinag Maynila for our movie,” bungad ni LA.
Aminado naman si Kira na nahirapan sa ginampanang karakter. Bilang paghahanda ay nakihalubilo muna ang dalawa sa mga kababayan nating namumuhay sa Canada. “Humbly, LA and I do not live the OFW life. So, it was a struggle for us to immerse ourselves, although we had immersions. We did have workshops. Pero iba talaga ‘yung meron kang experience, ‘yung totoong experience. It was hard to get into the character, to show that the struggles feel like an OFW,” paliwanag ni Kira.
May bulung-bulungan na nagkakamabutihan na umano sina Kira at LA ngayon. Naging malapit ng dalawa habang ginagawa ang pelikula sa Canada. “Na-appreciate ko kay Kira, grabe siyang leading lady. ‘Yung pagmamahal at suportang pinakita niya sa team,” paglalahad ng aktor.
“What I appreciate about LA is his will to learn. Like he was ready to come to work, like he was a sponge. Ready to absorb what is being told to him by our director (Benedict Mique),” dagdag naman ng dalaga. — Reports from JCC