Sinagot ni Vice Ganda ang isyung sumawsaw siya sa kontrobersya ng pamilya ng two-time Paris Olympic gold medalist Carlos Yulo.
Sinagot nga niya sa Twitter ang komento ng ilang followers niya sa pagiging pakialamera. “Ha?!!! Saan galing to? Never akong nagbigay ng opinion ko tungkol sa issue ng pamilyang ‘yan dahil mas gusto kong icelebrate ang tagumpay ni Carlos Yulo kesa makisawsaw sa eksena ng pamilya nya,” buong tweet ng komedyante sa X.
Pero may sumagot na follower na binanggit kasi ni Vice na “mas mahirap pa yun kesa makakuha ng gold sa olympics” at obvious daw na pa-shade ito sa Pinoy Olympic gold medalist na hindi pa rin diumano nakakasundo ang pamilya. Ang ina raw kasi ni Carlos na si Angelica ang kinampihan nito.
Pinaalalahanan ang komedyante na hindi raw sila lumabas sa tiyan ng nanay nila kahapon.
Kilalang maka-pamilya si Vice.
Sa isang episode ng EXpecially For You ng It’s Showtime ay nagkomento host na mahirap raw kapag may problema sa pamilya na base naman sa karanasan ng isang contestant.
“Mas parang, kung iisipin mo, mas mahirap pa ‘yan sa makakuha ng gold sa Olympics, ‘di ba?”
Anyway, pinakikiusapan na ni former Ilocos Gov. Chavit Singson na ipakita ni Carlos ang pagiging role model.
Hanggang ngayon diumano kasi ay wala pa ring paramdam ang double Olympic gold medalist sa kanyang pamilya na nakatira pa rin daw sa looban at nagko-commute pa rin. Pero kahapon ay masaya siyang sumabak sa trending na Maybe This Time TikTok challenge kasama ang girlfriend na si Chloe Anjeleigh San Jose.
“Well, ngayon sikat siya, ‘wag siyang magbago. Dapat siyang role model at number one, pamilya. Kung anuman ang nangyari sa kanila, kalimutan na niya. Nasa sampung bilin ‘yon ng Diyos, respect thy father and thy mother.”
At inulit nga niya ang pakiusap kay Caloy kapalit ng ibibigay niya P5 million: “Kung ano ang mga nangyari, patawarin mo na sila. Bilin din ng Diyos ’yan, forgive your… Magbati lang sila, okay na, bigay ko sa kanya P5 million.”
Samantala, problemado pala ngayon ang dating pulitiko at movie producer matapos siyang alukin ni former president Duterte na kumandidato siyang senador sa 2025. “Ayun na nga problema ko eh, baka akala magse-Senator ako pero nagpapasalamat ako kay Pangulong Duterte. It’s an honor to be endorsed by the former president. ‘Di na ako makipag-usap sa kabila dahil puno na sila. Nakakahiya naman siksik ko sarili ko. Nagpapasalamat ako kay President Duterte at pinipilit din ako, ‘yung mga mayor, na maging presidente ako, councilors, governors, kaya maski hindi ko gawin baka...” bitin niyang sagot sa mga kausap na entertainment media na present sa opening ng ika-10th branch ng BB.Q Chicken sa Festival Mall, Alabang.
Ano pong possibility?
“Possible pero kung tatakbo ako, independent. Pero sariling partido. Lakas sila eh, ako lakas loob,” na ikinatawa ng mga kausap niya.
Tuloy po ‘yung pelikula mo with Manny Pacquiao?
“Ah si Manny Pacquiao susuportahan ko dahil ako nag-udyok sa kanya - tatakbo eh. Maganda nga s’ya dahil nakuha siya sa administration,” aniya pa.
‘Di ba may gagawin kayong pelikula?
“Ah meron. Gagawa kami ng pelikula with Ma Dong Seok (Train to Busan), iyong Taglish. Na-meet na namin. Pupunta rito. Interested siya na gumawa ng studio sa Vigan. Kaya hindi lang isang pelikula ang gagawin, marami.”
Sa studio po sa Vigan?
“Kasama ‘yung ibang mga local natin.”
Action movie raw ang napag-usapan nila.
“Action din. Siya ang pinakamura sa Korea,” na ang talent fee ang tinutukoy.
Kamusta na po ‘yung girlfriend mo na Korean?
“Ah hindi. Marites lang ‘yun. Tinuturuan ko lang. Kaibigan ko lang ‘yung tatay. Walang katotohanan doon. Marites lang ‘yun,” todo tangging sagot ng dating pulitiko na showbiz na showbiz na dahil sa mga konek sa Korean actor.