Maricel, wala nang bagahe!
Simula Sept. 2 ay mapapanood na ang Lavender Fields sa iba’t ibang Kapamilya platforms. Magbibida sa pinakabagong serye ng Dreamscape Entertainment sina Jodi Sta. Maria, Jericho Rosales, Janine Gutierrez, Jolina Magdangal, Edu Manzano, Albert Martinez at Maricel Soriano. Ayon sa Diamond Star ay ibang-ibang karakter ang matutunghayan sa kanya ng mga tagahanga sa naturang proyekto bilang si Aster Fields.
Napahanga raw ang Diamond Star sa pagiging magaling na aktres ni Jodi. “Naku! I love her very much and she’s so good. Napakagaling ni Jodi,” giit ng beteranang aktres.
Samantala, malaki na umano ang ipinagbago ni Maricel sa kanyang sarili. Bata pa lamang daw ang mga anak noong mapag-isipan ng beteranang aktres kung ano ang makabubuti para kina Marron at Tien. “Inumpisahan ko ‘yan sa mga anak ko. Sabi ko sa sarili ko, ganyan ba? Ganyan ba talaga? hindi tayo magbabago? Kinausap ko talaga ‘yung sarili ko kasi paano ‘yung mga bata, ‘pag lumaki na sila sa school, ano sasabihin ng mga tao? ‘Oh, ‘yung nanay mo nakipag-away na naman, palengkera. Marami silang pwedeng sabihin. Kaya sabi ko, kailangan ko magbago para sa mga anak ko. Kaya ‘yon mismo ‘yung oras na ‘yon, ang dami kong binago. Wala na ‘yung mabibigat na bagahe, kaya bitawan mo na lahat. Natutuwa ako kasi ang lalaki na nila. Parang kailan lang na baby-baby pa. Ngayon ‘yung isa 37, ‘yung isa naman 31,” pagbabahagi ng Diamond Star.
Zeus, ‘di inisip na artista nung magnegosyo
Bukod sa pagiging aktibo sa show business ay abala rin si Zeus Collins sa sariling negosyo. Pag-aari ng actor-dancer at asawang si Pauline Redondo ang Le Katsu na mayroon nang halos isang daang sangay. Naisipan umano ni Zeus na magkaroon ng negosyo noong kasagsagan ng pandemya sa bansa. “Siyempre ako nakilala bilang Hashtags sa It’s Showtime bago nag-pandemic. Nag-start kami no’ng 2015, limang taon na everyday kami pumapasok sa Showtime. Tapos biglang pumasok ‘yung pandemic, so natigil lahat. Walang mga show so kailangan mong mag-isip kung ano pwedeng pagkakitaan no’ng panahon na ‘yon,” kwento ni Zeus sa ‘May Puhunan.’
Ang kapatid umano ng kasintahan pa lamang noon ng aktor ang nakaisip ng konsepto ng food business. Para kay Zeus ay talagang pagkain ang kailangan ng bawat tao sa araw-araw. “Nakaisip kami ni Pauline kung ano pwedeng pagkakitaan. Hindi mo iisipin na celebrity ka kasi wala ka nang makain ‘di ba? Kailangan mong dumiskarte. Ginagawa ko lang paano ba ako kikita? Paano ko ba matutulungan ang pamilya ko? Sa tulong din ng ate ni Pauline dahil nagluluto, chef din siya, nakaisip siya ng mas mabilis na lutuin na food. ‘Yon ‘yung Le Katsu,” pagdedetalye ng aktor.
Mayroong payo si Zeus para sa lahat nang nangangarap na makapagpundar din ng sariling negosyo. “’Di siya pwedeng bubuksan mo lang, may pera ka lang. Mag-business ka ng ganito, wala, walang mangyayari. Kailangan mo talaga siyang tutukan. Try ka lang nang try hanggang sa makuha mo ‘yung para sa ‘yo,” makahulugang pagtatapos ng actor-dancer.
(Reports from JCC)
- Latest