Masayang-masaya si Jolina Magdangal dahil nabigyang muli ng pagkakataong umarte sa harap ng kamera. Matatandaang ilang taon ding naging host ng Magandang Buhay ang singer-actress. Ngayon ay kabilang si Jolina sa Lavender Fields kasama sina Jodi Sta. Maria, Jericho Rosales, Janine Gutierrez, Edu Manzano, Albert Martinez at Maricel Soriano. “Nakilig ako kasi kapag nasa taping ka hindi mo naman alam paano ang kalalabasan. Alam mo lang ay ginawa mo ‘yung role na ibinigay sa iyo. Pero kapag napagsama-sama siyang ganoon, parang iba rin ‘yung feeling ng excitement at fulfillment na ibibigay sa iyo. Eh first time ko gumawa ng ganitong series na role at mga eksena kaya natutuwa ako at nae-excite pa ako sa mga susunod pang mangyayari,” pahayag ni Jolina sa ABS-CBN News.
Hindi raw nagdalawang-isip ang aktres na tanggapin ang bagong proyeko. Para kay Jolina ay talagang kaabang-abang ang naturang serye. “Parang ngayon any role ang maibigay sa iyo sa isang telserye dapat paniwalaan mo na parte ka nito at pagbutihan mo. Kasi bawat isa sa inyo ay may kailangan para mabuo ang isang istorya everyday. Kaya sabi ko I think it’s time. Tapos nalaman ko pa na ganito mangyayari, mas lalo na. ‘Game na po, taping na po.’ Parang gano’n,” paliwanag niya.
Ayon pa kay Jolina ay excited na rin ang asawang si Mark Escueta sa kanyang pagbabalik sa paggawa ng serye. Ang pamilya ang nagsisilbing inpirasyon sa aktres upang pagbutihin pa ang lahat ng ginagawang trabaho. “Sila ‘yung talagang kahit may pagod, pagod dahil sa ibinibigay mo ang sarili mo sa eksena. Sila talaga ‘yung nagpapalakas sa akin. Very proud sila, wala akong problema pagdating sa pamilya ko,” pagtatapos ng singer-actress.
Julia, ginawang endorser ng kapatid
Proud si Julia Barretto para sa nakatatandang kapatid na si Dani Barretto dahil sa bagong negosyo nito. Kamakailan ay nailunsad ni Dani ang produktong Wellness Whispers na isang uri ng health and wellness beverage. “We just don’t know how Dani does these things. She’s so driven and maabilidad. She just loves to innovate and it’s different to have a vision and it’s also different to execute it. She has a vision and she wants to make it happen and she will. More than anything, I’m just so proud ‘coz before even this was launched, we heard the things that she had to journey through just to get to this point,” pagbabahagi ni Julia.
Ang aktres ang kinuha ni Dani upang maging endorser para sa bagong produkto. Hindi raw inakala ni Julia na siya ang mapipili ng kapatid para maging mukha ng Wellness Whispers. “I would expect that she’d want to do a different direction. Parang naturally she doesn’t want another family member in one thing. I’m really flattered and grateful,” paglalahad ng dalaga. (Reports from JCC)