Jessa, nakunan ng bukol sa lalamunan

Jessa Zaragoza
STAR/File

Na-diagnose pala si Jessa Zaragoza na may vocal polyp.

Ibinahagi ng misis ni Dingdong Avanzado ang tungkol sa kanyang pagiging missing in action ng ilang linggo, mula pa nang matapos ang 37th anniversary concert ng mister niya.

Bago pa raw ang concert ni Dingdong ay may sakit na siya at inikot na raw yata niya ‘yung mga ospital. Pero tinawid lang daw talaga niya ang concert kahit may sakit at nagpasalamat siya sa Diyos na nairaos niya ito nang mahusay.

Ang vocal cord polyps pala ay gaya ng nodules o bukol, at nagmumula ito sa sobrang paggamit o maling paggamit ng boses. Nabubuo raw ito pagkatapos ng single episode ng vocal abuse. Pero ang polyps daw ay kadalasang mas malaki sa nodules.

Bahagi ng post ng nanay ni Jayda ay ikinuwento niyang ilang buwan bago ang concert, bukod sa ilang sakit na kinaharap niya ay napansin niya ang pagkapaos niya at nang i-examine siya ay nadiskubreng meron siyang vocal polyp at Esophageal varices sa kanyang vocal folds. Pangalawang beses na raw niyang maranasan ang ganito kaya naalarma na siya.

Ang procedure raw ay tanggalin ito at pasalamat siya na naging maayos ito. Nagsimula na raw ang recovery process at kinailangan niyang mag-vocal rest ng isang linggo na hindi nagsasalita.

Pero habang nagpapagaling na siya ay nagkasakit pa raw siya at ‘di raw talaga siya tinantanan ng sakit na uso raw talaga ngayon.

Na-stress daw siya at napakanta raw talaga siya ng “Parang ‘di ko yata kaya!”

Nagpasalamat naman si Jessa sa mga nagdasal sa kanyang mabilis na paggaling.

Sa totoo lang, mahirap talagang maospital.

Show comments