Sen. Robin, nag-trending sa sexual rights

Sen. Robinhood Padilla
STAR/File

Natalakan ni Atty. Kapunan

Hanggang kahapon ay trending sa X ang hashtag na #RobinPadilla at #Mariel dahil sa pinag-usapan sa Senate hearing tungkol sa Anti-Rape Law, Anti Bastos Law at Safe Spaces Act sa ilalim ng Committee on Public Information and Mass Media na pinamunuan ni Sen. Robinhood Padilla.

Kaugnay pa rin ito sa isyu ng sexual harassment, pero hindi inimbita roon ang sangkot sa isyu nina Sandro Muhlach at ng dalawang independent contractors ng GMA 7 na sina Richard Cruz at Jojo Nones.

Kasama ni Sen. Robin si Sen. Francis Tolentino, at isa sa mga resource person ay si Atty. Lorna Kapunan at taga-DOLE.

Tumalak ang netizens sa ni-raise na issue ni Sen. Robin tungkol sa pagtatalik ng mga mag-asawa kung sakaling ayaw ng wife, ano ang gagawin ng husband kung nag-iinit na raw ito. Iba ang ang pagkasabi ni Sen. Robin na tila iginigiit nito ang sinasabi niyang ‘sexual rights’.

“Halimbawa po Atty (Kapunan). Siyempre, hindi mo maiaalis sa mag-asawa na ang paniwala, lalo kami, ako, meron kang sexual rights sa asawa mo e.

“So, halimbawa hindi mo naman pinipili e kung kailan ka ‘yung in heat ano? So, papano ‘yun, ‘pag ayaw ng asawa mo, so wala kang ibang paraan talaga, para maano ‘yung lalaki? So, paano mambabae ka na lang ba, e di kaso na naman ‘yun. So ano na naman ‘yun… ano ang puwede mong sabihin sa asawa mo na wala sa batas, paano naman ako? Wala ka sa mood, paano ako nasa mood. Paano ako na puwede niyang gawin na nasa batas na wala naman siyang…wala kaming choice bigla, ganun na lang, matulog ka na lang? Ganun?”

Malumanay na ipapaliwanag sana ni Atty. Kapunan na issue ito ng psychosocial at hindi naman sa legal na paraan.

Pinagpilitan ni Sen. Robin na sa legal na usapin, ano ang puwedeng gawin ng isang lalaki.

Pero ang sabi ni Atty. Kapunan, “Kung minsan kasi, ‘yung no naman ng babae, hindi naman arbitrary. Hindi naman… for instance, lasing ‘yung asawa or under the influence of drugs at gustong makipag-sex with the wife ano? Syempre under that circumstance, nagiging violent. Hindi out of love.”

Pero pinilit pa rin ni Sen. Robin na walang violence doon, hindi rin lasing, out of urge lang daw.

“Siguro naman sasang-ayon naman sa akin ang taumbayan na may iba talagang urge ang mga lalaki talaga. May urge na talagang andun e.

“So, papano ‘yun? Andiyan yung asawa mo to serve you, ayaw niya? Anong puwedeng ano para hindi ako mareklamo ng asawa ko? Ano ang puwede kong sabihin sa kanya na ‘mahal o babe ano ba? Please help me,” dagdag na pahayag ni Sen. Robin Padilla.

Dito ay nag-lecture na si Atty. Kapunan. “Counselling po ang kailangan diyan o magdasal na lang kayo.

“Iko-correct ko lang…manood na lang kayo ng Netflix o ng Koreanovela.

“That’s important ‘yung issue ng mutual respect. Ahhh if your spouse refuses whether valid or hindi, respetuhin natin yung decision ng wife or nung husband in that case. The other thing po is ‘yung statement ng Chair with all due respect, hindi po obligasyon ng isang wife, sabi mo is to serve the husband.

“In fact, idadagdag ko lang, kasi marami pong lalaking nakikinig, sa Family Code po natin... ibang Family Code naman ito, we amended to remove of the obligation of obedience.

“Sa old civil code, 1930s din ‘yung old civil code na ‘yan, nakalagay diyan, the wife should obey the husband. Ngayon, wala nang obey obey ng husband. Pinalitan na ‘yan.

“‘Yung family code ini-revise nung 1988.

“Ang nakalagay na diyan, husband and wife are obliged to mutually respect each other. So, mutual respect na ngayon,” sabi pa ni Atty. Kapunan.

Katakut-takot na panlalait at bashing ang inabot ni Sen. Padilla sa mga sinabi niya.

Lalo tuloy bumaba ang pagtingin ng karamihan sa mga artistang pulitiko, dahil sa ipinipilit ni Sen. Padilla sa Senate hearing.

Samantala, magkakaroon daw ng kasunod na hearing sa Lunes, Aug. 19, at doon ay imbitahin na uli ang dalawang independent contractors at baka pati si Sandro Muhlach.

Pero binanggit naman nila sa unang hearing na kumbinsido na silang may sapat na ebidensya laban kina Richard Cruz at Jojo Nones kaya nagtatanong pa kami kung para saan pa ang hearing na ‘yun.

Nabanggit nga ni Sen. Tolentino, na mas malaking kargo pa ito sa mga nag-complain ng sexual harassment kung idadaan sa mahabang proseso sa CODI o Committee on Decorum ang Investigation – mahaba pa ang pagdadaanan ng biktima bago niya makuha ang hustisya. Aniya, “Kung dadaan pa sa CODI napakatagal. Tapos dadaan pa sa piskal, ang haba pa ng hearing na niyan. Ang dami na.

“Lilitaw na ‘yan sa ano. Samantala kung diretso na, medical certificate, ‘yung sa psychologist, etcetera etcetera, mas madali, nakakuha na ng compensation and it will serve the same pupose, na-penalize din ‘yung si employer o ‘yung si principal o si teacher. Managot din siya.

“Mas matagal pa nga sa criminal law, matagal ‘yan. Kung anu-ano pa. Ang haba niyan.

“While wating for the verdict, magsa-suffer lalo ng emotional distress ‘yung complainant n’yan kasi covered ng social media, media, lahat. Tapos open naman ‘yung ano…hindi naman closed door ‘yung hearing.

“Kahit hindi artista, ‘yun din ang lalabas niyan, na-expose din ‘yung privacy niya, nabawasan din ‘yung kanyang dignidad. Is that the right track for this committee to pursue?”

Show comments