Jaya, nabitin kay Regine

Jaya
STAR/File

Noong Linggo ay muling nakapagtanghal si Jaya sa ASAP Natin ‘To sa California. Masayang-masaya ang Soul Diva dahil muling nakasamang kumanta sa iisang entablado ang kaibigang si Regine Velasquez. “It’s so nostalgic. Kasi ilang taon na ba akong wala sa atin. Tapos, we saw each other, and literally pure joy for me. Pure joy to see everyone from the boss, the singers, to the staff, lahat. Napakasaya, I’m so overjoyed,” nakangiting pahayag ni Jaya sa ABS-CBN News.

Para sa singer ay napakabilis ng oras nang mga sandaling nakasamang muli ang Asia’s Songbird. Ilang araw lamang namalagi sa Amerika ang buong grupo ng naturang Sunday noontime show. “Bitin kaming pareho, pero there’s nothing we can do. The fact that we got to talk, kasi ang daming chika, catching up. I love that girl, I love my mare,” dagdag ng Soul Diva.

Kasalukuyang nakabase sa Texas ang buong pamilya ni Jaya. Kung mabibigyan ng pagkakataon ay nais pa ring bumalik ng singer sa Pilipinas upang magtrabaho. “Try nating bumalik with the help of Cornerstone (Entertainment), ‘yung mga manager natin doon. We were planning for November, pero parang bitin siya. Kasi meron akong Middle East (concert), baka ang lola mo bilang matanda na, baka hindi maka-survive nang sakto. At least if not for this year, end of the next year na sana. Hindi pwedeng hindi bumalik dahil ang mga fish ball, taho, mga ganern (nami-miss ko). Sana maayos namin within the frame of the last quarter,” pagbabahagi ng singer.

Vice, ibang-iba ang ginagawa

Nasa Taiwan ngayon si Vice Ganda para sa shooting ng pelikulang And The Breadwinner is… Sobrang excited na ng Unkabogable Phenomenal Superstar dahil muling makapagbibida sa isang pelikula.

Matatandaang 2022 nang huling nagbida si Vice sa pelikulang Partners In Crime kasama si Ivana Alawi. “Super excited, ‘di na ako nakakatulog. Tuwing may shooting ‘di ako nakakatulog, isip ako nang isip, sobrang excited. Wala akong bukambibig kundi ito. Tuwing may makaka­kwentuhan ako, tuwing may makakausap ako at tuwing may nagtatanong,” bungad ni Vice.

Ayon sa It’s Showtime host ay ibang-iba ang matutunghayan ng mga manonood sa kanyang bagong proyekto. Si Jun Robles Lana ang direktor ni Vice sa ginagawang pelikula. “Malaking-malaki ang pagkakaiba nito. Iba ‘yung atake ni Jun Lana, iba siya. Malayung-malayo siya (sa mga dating pelikula ko). Pero it’s gonna be an amazing surprise. Hindi talaga siya ‘yung katulad ng mga nagawa ko nang pelikula,” giit ng komedyante.

Makakasama ni Vice sa naturang Metro Manila Film Festival 2024 entry sina Eugene Domingo, Jhong Hilario, Anthony Jennings, Maris Racal, Kokoy de Santos, Gladys Reyes at Gina Pareño. Ngayon pa lamang ay magkahalong emosyon na ang nararamdaman ni Vice dahil muling makakalahok sa MMFF ang kanyang pelikula. “Siyempre may pressure pero masayang pressure. Hindi naman ‘yung pressure na nakaka-stress. Ito actually excitement na mapapanood ulit sa sinehan. ‘Yung excitement ko na makapag-float parade ulit. Tapos ang dami kong magagandang bagay na nilu-look forward to this coming Christmas dahil sa pelikulang ito,” paglalahad ng It’s Showtime host. (Reports from JCC)

Show comments